MANILA, Philippines - Back to school man ang mga bulilit sa bansa, balik-It’s Showtime stage din ang pinakamagagaling at nakabibilib na Mini Me kids para sa kanilang huling pasiklaban sa Grand Finals Week ng kiddie competition.
Mas tumitindi na ang labanan sa talento, charm, at pagkabibo sa pagitan ng 21 grand finalists na nagsimula noong Sabado (June 7). Araw-araw, magdedeklara ng isang winner na mag-uuwi ng P20,000 at siyang sasabak sa Big Finale sa Sabado (June 14) kung saan iisa ang mag-uuwi ng titulo ng kauna-unahang Mini Me grand winner at P300,000.
Nakaupo bilang hurado ang Goin’ Bulilit director na si Bobot Mortiz, dating child star at aktres na si Empress, at host at resident hurado na si Jhong Hilario.
Sa ngayon, pasok na sa Big Finale ang grupo ng Mini Me nina Vhong Navarro, Billy Crawford, at Jhong Hilario na sina Mark Jason Santos, Justin Tonido, at Rhaine Santos, ang Mini Me ni Sandara Park na si Margarette Mitch Naco, ang Mini Me ni Michael Jackson na si Nhikzy Vheench Calma, ang Mini Me ni Rochelle Pangilinan na si Reese Partolan, at ang Mini Me ni Lea Salonga na si Telesa Marie De Torres.
Huwag palampasin ang It’s Showtime, 12:30 p.m. Lunes hanggang Biyernes, at Sabado, 12 n.n. sa ABS-CBN.
Tropang Potchi ng GMA 7, bibisita sa Museo Pambata
Ngayong Sabado (Hunyo 14) sa Tropang Potchi, isang masayang umaga ang hatid nina Nomer (Nomer Limatog) at Lianne (Lianne Valentino) sa mga batang manonood dahil sa kanilang pagbisita sa makasaysayang Museo Pambata.
Samahan sina Nomer at Lianne sa kanilang pagtuklas sa mga iba’t ibang larong Pinoy katulad ng Siato, Harangang Taga, at Palo Sebo na ginanap sa masayang Museolympics.
Saksihan ang kanilang kakaibang museum exploration kung saan sasali sila sa mga kapana-panabik na larong Pinoy kasama ang mga ibang bata.
Samantala, dadalawin nina Hershey (Hershey Garcia ng GMA Artist Center) at kanyang cool dad na si Chino (Archie Alemania) ang kanilang mga kaibigan sa tambayan ng tropa. Masayang kasama si Daddy Chino dahil marami siyang mga jokes na ibinabahagi sa tropa. Ngunit dahil sa masayahing personalidad nito, mukhang nakakalimutan na ni Hershey na respetuhin ang kanyang ama.
Sa tulong ng mga ka-potchi, matututunan na kaya ni Hershey na galangin ang kanyang Daddy Chino?
Ella Cruz mentally challenged na rape victim
Trese anyos na dalagitang biktima ng panggagahasa at may problema sa pag-iisip ang karakter na bibigyang-buhay ng teen star na si Ella Cruz (Coney) sa legal drama anthology na Ipaglaban Mo ngayong Sabado (Hunyo 14).
Gagampanan naman ng kapwa dating Goin’ Bulilit star ni Ella na si John Manalo ang karakter ni Edmond, ang 17 anyos na kapitbahay ni Coney na nanggahasa sa kanya.
Ipaglalaban ng ama ni Coney na si Rico (Cris Villanueva) ang malagim na sinapit ng anak at sasampahan ng kasong rape si Edmond. Subalit maninindigan din ang ama ni Edmond na si Edgar (Eric Fructuoso) para sa anak na pinaniniwalaan niyang inosente sa krimen.
Pagdidiin ng kampo ni Edmond, hindi dapat paniwalaan ang paglalahad ni Coney dahil wala ito sa tamang pag-iisip. Panigan kaya ng korte si Coney sa kabila ng kalagayan nito?
Bahagi rin ng episode na ito na pinamagatang Lalaban ang Tatay Para Sa’yo na idinerehe ni Eric Quizon sina Matet de Leon, Kyline Alcantara, at Jon Lucas.
Samantala, mainit na sinalubong ng mga manonood ang pagbabalik ng Ipaglaban Mo noong nakaraang Sabado (Hunyo 7) matapos itong magtala ng national TV rating na 13.9%, o walong puntos na mas mataas sa 5.9% ng katapat nitong programa na GMA Tales of Horror, base sa datos ng Kantar Media.
Huwag palampasin ang Ipaglaban Mo nina Atty. Jose Sison at Jopet Sison tuwing Sabado pagkatapos ng It’s Showtime.