Hindi lang pala magaling na abogado ang lawyer ni Claudine Barretto na si Ferdinand Topacio. Isa rin pala siyang Chinese astrology expert. Ang paliwanag niya, hindi raw naman niya sinabing mukhang kabayo ang anak ni Marjorie. Kaya lang alam daw niya na iyon ay ipinanganak noong 1993 na year of the rooster. At ayon sa kanya, ang 2014 na year of the horse ay suwerte sa mga ipinanganak sa year of the rooster, kaya daw niya sinabing ito ang taon ng anak ni Marjorie.
Multiple talents ha. Kaya pala siya rin ang favorite lawyer nina Gloria at Mike Arroyo.
Richard ginamit daw ang anak para sa reality show
Parang masyado naman yatang malupit iyong mga nagsasabi ngayon na kaya raw inaÂmin na ni Richard Gutierrez ang pagkakaroon nila ng anak ni Sarah Lahbati ay dahil sa ratings ng show ng kanilang pamilya.
Maling bintang iyan. Una, ang show ay hindi naman naghahabol ng ratings na kagaya ng mga teleserye at mga local talk shows. Ang carrier station ng kanilang show ay E! Channel, at ang market niyan ay buong Asya sa ngayon. Ano ang pakialam ng ibang Asyano sa pagkakaroon ng anak ni Richard? At bakit nagkaroon ba ng announcement na panoorin ang show dahil aaminin na ni Richard ang totoo?
Dumating iyong point na sa palagay mismo ni Richard na dapat na niyang amining may anak na siya, at saan nga ba niya pipiliin, sa mga shows na puro tsismis? Eh ‘di doon sa show na kasama niya ang pamilya niya na makapagpapakita ng suporta sa kanyang ginawa. Isa pa, maipakikita rin ng pamilya sa ganoong paraan na binigyan nila ng basbas ang ginawa ni Richard, pati na ang desisyon noong panatiliin ang privacy ng kanyang anak.
Napakalaking bagay ba para sa mga manonood ang announcement na iyon? Sa palagay namin ay hindi naman. Ang bubuhay sa kanilang show ay ang mga gagawin nilang discussion tungkol sa kanilang buhay na kapupulutan naman ng kaalaman at ikaaaliw ng mga manonood sa kanila, kahit na nga hindi pa sila kilala bilang celebrities sa ibang mga lugar kung saan napapanood din ang show sa pamamagitan ng E! Channel.
Tandaan ninyo, iyan ay isang cable channel na hindi kagaya ng nasa free TV, na gagawin ang lahat para sa ratings dahil kailangang maibenta ang show sa kanilang sponsors para makapagpatuloy ang negosyo.
Maricel naalala ang kabataan kay Celeste
Natutuwa naman daw si Maricel Soriano at nakasama niya sa serye nilang Ang Dalawang Mrs. Real ang singer at aktres na si Celeste Legaspi. Si Celeste ang gumaganap na nanay ni Maricel sa nasabing serye.
Naaalala kasi ni Maricel, noon daw maliit pa siyang bata, na nagsisimula pa lang siya sa Kaluskos Musmos, madalas na ipinapa-impersonate sa kanya si Celeste. Sikat na sikat kasi ang mga kanta ni Celeste noong panahong iyon. Talagang kinakanta iyon ng mga bata, lalo na nga iyong Saranggola ni Pepe. Kami naman noon, paborito namin iyong Ako’y Bakyang-bakya.
Minsan talaga, maganda rin iyong nababalikan mo ang panahon ng kabataan mo.