Dito muna sa bansa si Rafa Siguion-Reyna, anak ni Direk Carlitos Siguion-Reyna at scriptwriter/director Bibeth Orteza, lola naman niya ang mahusay na actress-singer na si Armida Siguion-Reyna. Sa States nag-aral si Rafa pero hindi niya nakalimutan ang Pilipino dialect, kaya lamang, ngayong kasama na siya sa inspirational drama series na Niño, doon niya nakita ang kakulangan pa niya sa pagsasalita ng Tagalog. Kaya balak daw niyang magbasa ng komiks para madaling matuto at thankful siya kay Jay Manalo na gumaganap na boss niya sa story, dahil tinuturuan siya nito ng correct pronunciation ng dialogues niya.
Loveless si Rafa, work na raw lamang muna ang girlfriend niya. Crush niya sina Isabelle Daza, Solenn Heusaff, Jasmine Curtis-Smith.
Jennylyn may natanggap na special nung birthday
Natanong namin si Jennylyn Mercado kung alin sa tatlong characters na ginagampanan niya sa Rhodora X ang mahirap gampanan, as Rhodora, ang alter ego niyang kontrabida, si Roxanne, o ang batang si Rowena?
Mas nahihirapan daw siyang gampanan ang role ni Rhodora pero very challenging sa kanya ang role ni Roxanne, pero sa pagganap daw niya ng tatlong roles, lalo na kung sunud-sunod lumalabas ang tatlong character, minsan draining sa kanya pagkatapos ng eksena.
Marami ring natutunan si Jennylyn in portraying the roles, mas naging patient siya at lalong natutong makisama sa lahat ng mga tao.
Wala pang new soap si Jennylyn pero gusto raw muna niyang magpahinga sa drama at sana makagawa naman siya ng romantic-comedy series. Makapagpo-promote din siya ng new album niya sa GMA Records, ang Basta’t Nandito Ka. Ang single niyang Abot Langit ay theme song ng rerunning hit Koreanovela na Jewel in the Palace ni Jang Geum na mapapanood na rin simula bukas, May 26, 5:00 p.m. sa GMA 7.
Maganda ang smile ni Jennylyn nang tanungin namin kung may special gift siyang natanggap noong birthday niya last May 15? Meron daw, pero ayaw sabihin ni Jen kung ano iyon at kung sino ang nagbigay. May kapalit na ba ang huling naging karelasyon niya na ayaw na rin niyang pag-usapan? Smile rin lamang siya.
Tama na raw ang mga blessings na patuloy na dumarating sa kanya, isa na rito ang bagong endorsement niya from Personal Collections na malapit na niyang i-launch. At ang isang London trip next month dahil may nag-invite sa kanya to grace the opening of a store roon. Ayaw pang magbigay ng details si Jennylyn sa coming London trip niya pero isasama raw niya ang mommy Lydia niya dahil matagal na nitong wish na makarating ng London. Tungkol sa coming concert niya sa Smart Araneta Coliseum, kapag naayos na nila ng manager niya ang mga detalye nito, saka na lamang daw niya ito ilalabas.