Kailangan munang magpa-’draft’, Pacman hindi pa puwedeng maglaro sa PBA

MANILA, Philippines - Nakabitin pa ang pagpasok ni Manny Pacquiao sa Philippine Basketball Association (PBA) bilang playing coach. Gusto man siya ng bagong PBA team na Kia sa pagpasok nila sa bagong season ng labanan, kailangang sundin nila ang regulasyon ng PBA, huh!

Ayon kay Gretchen Fullido sa DZMM radio show nila ni Freddie Webb, kailangang sumunod sa patakaran ng PBA na lahat ng papasok na bagong manlalaro sa bawat team ay dumaan dapat sa draft na ginagawa tuwing matatapos ang pasukan.

Naranasan halos lahat ‘yon ng players ng bawat team. Hindi naman puwedeng maging exception to the rule si Manny dahil hindi lang naman siya ang naghahangad makapasok sa PBA. Hindi naman batayan ang pagiging mahusay niya sa boksing upang tanggapin agad siyang maging playing coach.

Eh, kung ibibigay kay Pacquiao ang pangarap niyang ‘yon, may isang tao rin na mawawalan ng pa­ngarap makalaro sa PBA.  Saka kumpara sa boxing na pinagtagumpayan niya, ‘di hamak na mas pisikal ang basketball, huh! Buong katawan sa basketball ay puwedeng mabugbog, huh!

Coaching na lang ang gawin ni Manny sa PBA. At least, nasa PBA pa rin siya at swak na rin ‘yon sa pangarap niya!

Max tanggap na ng mommy ni Pancho

Nakasama pala si Max Collins sa Mother’s Day blowout ng magkapatid na Pancho at Iwa Magno sa mother nilang GMA executive na si Redgie Acuna Magno. Isang dinner date ang naganap sa kanilang apat pero sa picture na ipinost ni Tita Redg sa kanyang Instagram account, medyo malabo ang kuha kay Max na katabi si Pancho, huh!

Naku, mukhang tanggap naman ni Tita Redgie si Max na nauugnay sa panganay na anak na si Pancho.  Hindi naman itinanggi ni Max nang huli naming makausap na nagdi-date sila ni Pacho.

Wala man sinabi ang aktres na boyfriend na niya si Pacho, natutuwa siya dahil masaya siya sa career at sa bagong inspirasyong nadarama ngayon.

Ryzza Mae pormal-pormalan sa pagbisita kay Gov. Vilma sa Batangas

Pormal-pormalan tiyak ang suot ni Ryzza Mae Dizon dahil pupunta siya sa Batangas City upang daluhan ang weekly flag raising ceremony ng mga empleyado sa Batangas Capitol.

Pero siyempre, nandoon ang excitement kay Ry­zza kahit pupungas-pungas pa siyang bumiyahe dahil maghaharap sila ni Governor Vilma Santos-Recto sa unang pagkakataon, huh!

Sa Batangas Capitol inisked ang paghaharap nina Gov. Vi at Ryzza Mae na kukunan para sa kanyang The Ryzza Mae Show. Tulad ng Batangas Governor, child star din si Ate Vi nang magsimula sa showbiz, huh! Mas maputi nga lang nu’ng bata ang actress-politician hindi tulad ni Ryzza, huh! Ha! Ha! Ha!

So, Governor Vi, look up, look up ka kay Ryzza, huh! 

 

Show comments