Fishball vendor, kumikita ng P150 milyon dahil sa ampalaya
MANILA, Philippines - Isasalaysay ni Karen Davila kung paano nakabawi sa pagnenegosyo si Grace Gupana na sa edad na 21 ay naging milyonarya, naubos ang kinita, at yumamang muli dahil sa ampalaya ngayong Miyerkules (Abril 16) sa My Puhunan.
Nakuha ni Grace ang kanyang unang P1 milyon mula sa paggawa at pagbebenta ng greeting cards. Nasadlak siyang muli sa kahirapan nang ipinanganak na premature ang kanyang kambal na babae at naubos sa pang-ospital ang lahat ng kanyang kinita.
Nagsimula siyang muli sa puhunang P800 at nagtinda ng fishball at gulaman sa Quezon City hall. Noong mga panahong ito, may nakilala siyang herbalist at nakakuha ng inspirasyon na ilagay sa capsule ang ampalaya.
Matapos ang isang taong pananaliksik sa University of the Philippines, ipinanganak ang ABS Bitter Herbs Ampalaya. Ayon kay Grace, dahil sa bisa nito, inanyayahan pa siya upang mag-exhibit sa Anaheim, California. Kaya naman ang dating fishball vendor, kumikita na ngayon ng halos P150 milyon kada taon dahil sa ampalaya.
Sa Mutya ng Masa bukas (Abril 15), tutugunan ni Doris Bigornia ang pakiusap ng isang viewer ng programa na pagbatiin ang kanyang ina at kapatid na 17 taon na raw na hindi nagkikita dahil sa isang alitan sa lupa. Magkabati pa kaya ang mag-ina?
Phenomenal hit Asianovelas, nakuha ng GMA
Patuloy na pinapatunayan ng GMA Network ang pagiging Heart of Asia dahil ipapalabas na sa kauna-unahang pagkakataon ang mga phenomenal hit Asianovelas na My Love from the Star at Mischievous Kiss sa Philippine television simula ngayong Lunes (Abril 21).
Sa layuning makapagbigay ng kakaibang entertainment, ihahatid ng Kapuso Network ang dalawa sa mga minahal na Asianovela series mula sa Korea at Japan na siguradong bibihag sa mga puso at damdamin ng mga manonood.
Pagkatapos ng matagumpay na pagpapalabas ng mga sikat na Koreanovela series na Endless Love at Full House, susundan naman ang mga ito ng My Love from the Star, ang No. 1 romantic/comedy/sci-fi series ng South Korea sa simula ng 2014. Ipapakita nito ang isang natataÂnging kuwento ng pagmamahal sa pagitan ng dalawang taong nagmula sa magkaibang mundo.
Ang kuwento ay iikot sa buhay ni Matteo (Kim Soo Hyun), isang cold-hearted alien na hindi sinasadyang maiwan sa daigdig ng mga tao 400 taon na ang nakakalipas. Pero tatlong buwan bago siya nakatakdang bumalik sa kanyang bituin, makikilala niya ang makasarili ngunit magandang aktres na si Steffi (Jeon Ji Hyun) na magpapa-ibig sa kanya. Kahit gusto niyang makasama si Steffi, lalayo na siya sa dalaga dahil kapag pinalampas niya ang kaisa-isang pagkakataong makabalik sa tinitirahan niyang bituin, mamamatay lamang siya sa daigdig ng mga tao.
Sapat na ba ang tunay na pag-ibig para malampasan ang pagsubok ng tadhana?
Samantala, siguradong magpapakilig din sa mga manonood ang Mischievous Kiss: Love in TokÂyo, isang Japanese adaptation ng kilalang love story na batay sa isang manga na nagkaroon din ng live-action versions sa Taiwan at Korea at ginawa pang isang anime.
Iikot ang kuwento nito sa mga buhay nina Kasey (Miki Honoka), ang average na estudyanteng mayroong lihim na pagtingin sa campus heartthrob na si Niccolo (Yuri Furukawa) sa Tonan High School. Nang magkaroon na siya ng lakas ng loob na ipagtapat ang nararamdaman nito para kay Niccolo, tatanggihan siya ng binata. Palagi naman siyang ipinagtatanggol ng kaibigan niyang si Caloy (Yuki Yamada) laban kay Niccolo dahil may lihim siyang pagmamahal sa dalaga.
Magsisimulang magbago ang mga buhay nina Kasey at Niccolo nang nalaman nilang matalik palang magkaibigan ang kanilang mga ama. Nang bumagsak ang isang meteorite sa bahay nina Kasey, titira sila sa tahanan nina Niccolo. Nang magpasya siyang kalimutan ang pagmamahal nito sa binata, bigla siyang hahalikan ni Niccolo at hahamunin siya nito kung kaya pa nga niyang kalimutan ang binata pagkatapos ng ginawa niya.
Posible bang mabuo ang pagmamahal ng dalawang tao sa isa’t isa nang dahil lang sa isang halik?
Abangan ang back-to-back pilot episodes ng Mischievous Kiss at My Love from the Star na bibihag sa puso ng bawat Pilipino ngayong Lunes pagkatapos ng The Borrowed Wife sa GMA 7.
- Latest