Annabelle aminado sa kakapalan, ipakikita pa sa cable kung paanong aakitin uli si Eddie

Proud at hindi ikinahihiya ni Annabelle Rama na amining siya talaga ang naghabol dati kay Eddie Gutierrez dahil hindi raw lahat ng babae ay masuwerte tulad ng nangyari sa kanya.

“Kapalan lang ’yan ng mukha, ’day. At least, tingnan mo naman ang nangyari. Pinakasalan ako at binigyan ako ng maraming anak, maganda at guwapo, at magagandang apo.

“Kaya I’m so proud na hindi rin masama na ikaw ang magkukulit sa lalaki eh. Na ikaw ang maghahabul-habol. Tingnan mo naman ang nangyari sa akin.

“Pero hindi lahat ng babae ay mangyayari sa kanila ang suwerte. Kasi ako kasama ang dasal. Hindi lahat ng babae na hinahabol ang lalaki, na nagpabuntis at mamikot ng lalaki, naging successful. Ako lang ’yun. Nag-iisa lang si Annabelle Rama diyan. Wala na akong katulad.

“Kaya ako, papakita namin ni Eddie (sa show) kung paano ko siya kukulitin, paano ko siya niligawan,” say niya sa presscon ng It Takes Gutz to be a Gutierrez.

Natanong naman si Eddie kung maipapakita ba sa show kung paano sila mag-away ni Annabelle, say ng veteran actor, ngayon daw kasi ay hindi na sila masyadong nag-aaway na mag-asawa.

“Kasi dati, laging may third party involved. Ngayon, wala na. Annabelle na Annabelle lang ako,” he said kaya nagkantiyawan.

Natanong din si Eddie kung ano ba ang pinaka-highlight ng show at say ng character actor, consultant daw nga siya sa show pero hindi naman daw siya kino-consult.

“Actually, ako, kasama ako sa show na ito, artista ako pero ito, walang script. Free-wheeling ito. Lahat sila, producers, si Annabelle, manager.

“Ako consultant lang. Pareho kami ni Kuya Germs (German Moreno), consultant na hindi kino-consult. ’Pag natapos na ang mga plano, saka ko pa lang malalaman. So, ’yun ang role ko. Pero I’m sure maraming mangyayari,” sabi ni Eddie at talagang tawanan ang press sa pagko-compare niya sa sarili kay Kuya Germs.

Token Lizares diretso sa charity ang mga kinikita sa concert

Magkakaroon ng isang charity concert ang Charity Diva na si Token Lizares on March 22 sa Teatrino Greenhills sa San Juan City.

Titled My Token of Love, guests niya sina German “Kuya Germs” Moreno, Michael Pangilinan, Prima Diva Billy, Niza Limjap, A.J. Tamisa, Le Chazz, at Richard Poon, sa direksiyon ni Butch Miraflor. Front act sa show ang kasamahan sa pa­nulat na si Alex Datu.

Tulad ng mga nauna niyang concerts, ang proceeds nito ay mapupunta sa charity na lagi niyang ginagawa kaya nga siya nabansagang Charity Diva.

Ilan sa beneficiaries ng mga concert niya ay ang St. Vincent’s Home for the Aged (Bacolod), Home Family Home Bacolod Foundation, Bantay Bata 163 (Negros), Philippine General Hospital Children’s Surgical Ward (Manila), Bacolod Breast Care Foundation, Lingkod ER (Emergency Room) Foundation (Bacolod), at marami pang iba.

Ayon kay Token, sa kanyang concerts abroad na lang siya kumikita at bumabawi dahil nga rito sa ’Pinas ay talagang ibinibigay niya sa charity ang lahat ng ipino-produce niyang concerts. Nakapag-perform na siya sa US, Japan, Singapore, and Malaysia.

Show comments