MANILA, Philippines - Sa isang video na nakalap ng Reporter’s Notebook, makikita ang tila pagsagasa ng isang payloader sa ilang taong nagbabarikada. Dinig ang palahaw ng mga tao at iyak ng ilang mga bata. Sugatan ang ilan sa mga residente.
Sa pananaliksik ng programa, natuklasan nitong nangyari ang insidente sa Isla ng Homonhon sa bayan ng Guiuan, Eastern Samar. Nagbarikada ang ilang residente dahil hindi na raw nila matiis ang masamang epekto ng ginagawang pagmimina ng nikel sa kanilang lugar. Nagsampa ng kaso ang mga residente laban sa mining company pero dahil sa paghagupit ng bagyong Yolanda, nasira at nawala lahat ng papeles sa piskalya.
Tatlong oras mula sa Isla ng Homonhon, mararaÂting naman ang isla ng Manicani na sakop pa rin ng bayan ng Guiuan. Itinigil na ang pagmimina sa lugar pero ang problema ay naiwang nakatiwangwang ang kinalbo at tinapyas na bahagi ng bundok na pinagminahan. Ang resulta, umaagos sa ilog at ilang katubigan ang putik na nakaaapekto sa kabuhayan ng mga residente.
Paano masosolusyunan ang idinadaing na problema ng mga taga Isla Homonhon at Manicani? Alamin ang kasagutan sa mas pinalawak na pagbabantay sa mga isyu ng bayan at pamahalaan sa Reporter’s Notebook. Ang episode na Sa Likod ng mga Isla ay mapapanood ngayong Martes, ika-4 ng Marso, pagkatapos ng Saksi, sa GMA 7.