Jean sinunggaban ang indie film ni Joel Lamangan

Nakausap namin si Jean Garcia sa story confe­rence ng indie film na Sitio Cam-cam na produced ni Ms. Baby Go at ididirek ni Joel Lamangan mula sa script ni Jerry Gracio. Nang mabasa raw niya ang script at malamang si Joel ang director, hindi na siya nagtanong ng iba, kahit ang talent fee hindi na niya inalam. Maganda raw ang script na first time lamang siyang gaganap ng isang palaban at palengkerang first wife ng isang corrupt na opisyal ng barangay na may tatlong asawa, kaya na-challenged siyang tanggapin. Ang dalawa pang wife ni Allen Dizon ay sina Sunshine Dizon at Charee Pineda.

Kahit busy rin sa taping ng Adarna at ng lifestyle show niyang Love Online, aayusin daw niya schedule niya. Nakumusta namin kay Jean si Kylie Padilla na gumaganap na anak niyang si Ada sa Adarna.  Puring-puri niya si Kylie na napakasipag daw at walang reklamo sa mga eksena nila, lalo na if they are playing their characters as taong ibon. 

Basement nakakatawa rin!

Halos lahat ng bumubuo ng cast ng horror movie na Basement ng Springboard Productions at Coffeehouse Productions, mga sister companies ng Reality Entertainment at GMA Films, respectively, ay dumalo sa premiere showing nila sa Podium Cinema. Pero kahit sino kina Louise delos Reyes, Kevin Santos, Kristoffer Martin, Enzo Pineda, Dion Ignacio, Tee Jay Marquez, RJ Padilla, Albert Sumaya, Chynna Ortaleza, Dex Quindoza, at mga child stars na sina Mona Louise Rey and Carl Acosta, ay walang sumagot kung nabuhay o namatay sila sa story, nang makulong sila sa basement ng isang mall dahil sa malakas na bagyo na nagpabaha sa Metro Manila.

May mga nag-expect among the entertainment press na darating si Sarah Labhati, na nang mapanood namin ang movie, ang haba pala ng participation niya sa story, bukod pa sa napakaganda ni Sarah at mahusay ang acting niya. Hindi nakarating si Aljur Abrenica dahil may out-of-town show siya. Duma­ting si Ellen Adarna with her boyfriend, kahit Kapamilya star na siya. Gumanap na manananggal sa movie si Ellen. Kaya kung magkakatotoo ang sinabi ni Direk Topel na may part 2 ang movie na Manananggal ang title, tiyak na hahanap na sila ng ibang gaganap na manananggal.

Nakaya naman naming panoorin ang horror movie dahil may mga comic relief sa mga eksena, mayroon ding dramatic scenes. 

Kaya sa mga mahihilig manood ng horror movies, baka gusto ninyong dito mag-Valentine date at magandang excuse ito para magyakap kayo ng ka-date ninyo dahil natakot kayo sa eksena. 

Bukas, Wednesday, February 12, ang showing ng Basement in theaters nationwide.

 

Show comments