Robin parang may mabigat na dinadala, ER napatumba ng mga kalaban!

Totoo nga na karamihan sa mga nanood ng 10,000 Hours at Shoot to Kill: Boy Golden ay mga kalalakihan. Ayon sa kapatid kong lalaki, mga 80% namang napuno ang sinehan sa parehong palabas at karamihan sa nakita niya ay mga lalaki nga. Siyempre malakas ang hatak ng macho image ng mga bidang sina Robin Padilla at Jeorge Estregan, Jr. aka Gov. ER Ejercito.

Sa dalawa, mas maganda raw ang dating ng pelikula ni Binoe dahil realistic at maganda ang mga eksenang kinunan sa Amsterdam. Pero kung ang naunang Asiong Salonga daw at hindi ang Boy Golden ang itatapat sa 10,000 Hours ay mas pipiliin pa niya ang Asiong kesa sa pelikula ni Arturo Porcuna.

Ibig sabihin, hindi siya napahanga ng Boy Golden kahit ang ilan sa cast ay galing na sa Team Asiong tulad nina Dick Israel at Baron Geisler.

Hindi nagustuhan ni brother na lahat ng mga kontrabida ay nabuhay sa pelikula at ang nag-iisang naitumba ay si… Mahuhulaan na ba kahit hindi sabihin?

Isa pa, medyo nakakaasiwa rin daw kasing tingnan sa higanteng screen ang makapal na makeup ni ER.

Pero kung may isang pagkakapareho na maganda sa 10,000 Hours at Boy Golden, ito raw ay ang mga karakter na babae sa katauhan ni Bela Padilla at ni KC Concepcion. Pareho raw magaling nilang nagampanan ang kani-kanilang role. At parehong sexy ang dalawang aktres. Kaya matutuwa talaga ang mga kalalakihan.

’Wag ding mag-alala na baka kulang sa aksiyon ang dalawang pelikula ng kilalang action stars. Sagana sa maaksiyong eksena ang Boy Golden at 10,000 Hours. Pero mas literal na madugo ang mapapanood sa buhay ng naging pasaway na si Porcuna. Tatak na kasi ni ER ’yun sa mga huling pelikula niyang nagawa. Si Robin naman ay lamang sa manu-manong bakbakan at konting barilan lang.

Ay, may isa palang hindi maganda raw kay Binoe. Ito ay ang kanyang kakaibang lakad na kitang-kita sa ilang eksena. Parang may mabigat daw na “dala”.

Kaya ngayong filmfest, kung hindi feel tumawa at mas gustong mag-enjoy sa maaksiyong pelikula, ito nang 10,000 Hours at Boy Golden ang dalawang pelikulang puwedeng parehong pasukin. Nasa moviegoers na lang kung sino kina Binoe at Jeorge ang gustong unahin. Pero pagkatapos nating malaman kung sino ang best actor sa dalawa, tiyak na mas dadami pa ang pipila sa isa sa dalawang tampok na malaking action films.

May ipare-rebyu? E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com.

Show comments