Dahil sa hypertension, bagets na direktor madalas na hindi natatapos ang shooting

Sakitin ang direktor ng isang movie project at madalas na hindi niya natatapos ang shooting dahil bigla na lamang siyang nawawala sa set.

Nagugulat ang mga artista at production crew ng pelikula sa disappearing act ng direktor pero iniintindi nila na hindi makakaya ng kanyang katawan na magpuyat dahil sa karamdaman niya.

Bagets pa ang direktor na maagang dinapuan ng hypertension. Bawal sa kanya ang mapuyat at mapagod or else baka bumigay ang katawan niya. Paano na lang ang kanyang directing career?

 

Pelikula ni Jasmine hindi umabante sa Oscars

Luz Valdez ang pelikulang Transit sa siyam na foreign language films na umabante sa Oscars race.

Ang Transit ang Cinemalaya movie na pinagbibi­dahan ni Jasmine Curtis-Smith at isinali ng Pilipinas sa best foreign language film ng 86th Academy Awards na gaganapin sa March 2 sa Dolby Theater, Hollywood & Highland Center.

Hindi pinalad na makalusot ang Transit, pati na ang mga pelikula na Metro Manila at Ilo-ilo kaya nalungkot ang mga Pinoy na matagal nang nanga­nga­rap na magkaroon ng Filipino movie na makakasali sa best foreign language film category.

Ang siyam na pelikula na umabante sa next round of voting ay ang mga sumusunod:

Belgium, The Broken Circle Breakdown, Felix van Groeningen, director; Bosnia and Herzego­vina, An Episode in the Life of an Iron Picker, Danis Tanovic, director; Cambodia, The Missing Picture, Rithy Panh, director; Denmark, The Hunt, Thomas Vin­terberg, director; Germany, Two Lives, Georg Maas, director; Hong Kong, The Grandmaster, Wong Kar-wai, director;
Hungary, The Notebook, Janos Szasz, director; Italy, The Great Beauty, Paolo Sorrentino, director; at Pa­lestine, Omar, Hany Abu-Assad, director.

 

Lauren hindi mawawalan ng ginagawa kahit papatapos ang dalawang show

Ngayon ang farewell episode ng Dormitor­yo, ang afternoon suspense-thriller ng GMA 7. Tu­magal din ng tatlong buwan ang Dormitoryo na tinampukan nina Lauren Young, Wynwin Marquez, at Enzo Pineda.

Hindi pa alam ni Lauren ang next project niya sa GMA 7 pero kasali rin siya sa cast ng Genesis na malapit nang mag-goodbye sa ere.

Hindi naman nawawalan ng ginagawa si Lauren dahil hindi pa tapos ang shooting ng Overtime, ang action movie ni Richard Gutierrez at siya ang leading lady.

 

Malalaking balita sa 2013 iisa-isahing babalikan

Malapit nang matapos ang taon kaya usung-uso na ang pagbabalik-tanaw sa mga big news sa showbiz sa 2013.

Big news ang problema ni Papa Manny Pacquiao sa BIR (Bureau of Internal Revenue), ang pag-amin ni Charice na tomboy siya, ang walang closure na away ng Barretto sisters, ang bar scandal ni Anne Curtis, ang paghihiwalay ng mga showbiz couple tulad nina Cesar Montano at Sunshine Cruz, ang tagumpay ng mga Pinay sa mga international beauty contest na perfect example si Megan Young na nag-artista muna bago sumali sa mga beauty contest hanggang ideklara na first ever Filipina Miss World at, ang pagkakasangkot ng mga actor/politician sa pork barrel scam.

Marami pa ang mga malalaking showbiz news na gumulantang sa buong Pilipinas at iisa-isahin natin ’yan bago mag-goodbye ang 2013.

Show comments