MANILA, Philippines - Quarterly bonus. Buwanang grocery allowance. Libreng tanghaÂlian araw-araw na may kasamang unlimited rice. Walang hanggang kape o tsaa. Transportasyon sa pagpasok sa opisina. Gym. Nursing room para sa mga bata. Ilan lamang ito sa mga benepisyo ng halos 400 na empleyado ng Perry Group of Companies, na nasa negosyo ng cargo, logistics, trucking, farming, fuel, travel, at fashion.
Mula sa paninirahan sa squatters’ area ng Tatalon, Quezon City, tagumpay nang maituturing si Arthur Tugade. Malaking tulong daw sa kanyang pag-unlad sa buhay ang scholarship na iginawad sa kanya ng San Beda College, kung saan siya nagtapos ng abogasya na cum laude.
Ang mga benepisyong kanyang ibinibigay sa kanyang mga empleyado ay ang mga bagay raw na gusto niya sanang matikman noong siya ay nagsisimula pa lang na magtrabaho. Kaya ngayong siya ay may sarili nang kompanya, alam daw niya kung gaano kahalaga ito.
Gayunman, may kapalit ang mga benepisyong ito. Dapat ay pasado sa quarterly evaluation ang isang empleyado para magka-bonus. Dapat din ay hindi tumanggap ng negatibong rating ng dalawang magkasunod na quarter ang manggagawa. Maging ang mga anak niya ay sakop ng patakarang ito.
Sinabi ni Tugade na bago siya naging matagumpay, dumaan muna siya sa serye ng sakripisyo at hirap, na karaniwan naman daw dinadaanan ng lahat na desididong magtagumpay. Ito ang dahilan kung bakit maraming paalala sa loob ng kanyang kompanya tungkol sa mga tamang asal para umangat sa buhay.
Halos 45% daw ng gastos sa operasyon ng kanyang mga negosyo ay napupunta sa suweldo at benepisyo ng kanyang mga empleyado. Mataas kung ikukumpara sa karaniwang hanggang 25%-30%.
Pero hindi raw ito problema dahil gusto niyang ibaÂlik sa lipunan ang tulong na natanggap niya mula sa maraming tao sa kanyang pag-unlad. At bilang bahagi ng pagsisilbi sa bayan, kailan lang ay iniwan ni Tugade sa kanyang mga anak ang pagpapatakbo ng kanilang mga negosyo para magsilbi sa bayan. Tinanggap niya ang posisyon bilang President at Chief Executive Officer ng Clark Development Corporation (CDC).
Kilalanin si Arthur Tugade at alamin ang kanyang forÂmula sa tagumpay sa Bawal ang Pasaway kay MaÂreng Winnie kasama si Prof. Solita Monsod sa Lunes, ika-10 ng gabi sa GMA News TV Channel 11.