MANILA, Philippines - Meron bang beauty contest na walang magsusuot ng swimsuit? Aba, meron pa! Ito ang Miss Teen Earth Philippines at ang Little Miss Earth Philippines, na inilunsad kailan lang sa Gandiva Café sa Ortigas, Pasig City.
Dahil ang mga kalahok ay bata pa – edad apat hanggang siyam para sa Little Miss Earth at 13 hanggang 17 years old para sa Miss Teen Earth – minabuti ng mga organizer na pinamumunuan ni Vas Bismark na magsuot na lang sila ng casual wear imbes na swimsuit.
Magsusuot din sila ng formal wear at isang regional costume na gawa sa mga recycled or organic na materyales.
Bukod sa kagandahang pisikal, ang hinahanap ng mga organizer ay ang pagmamahal para sa Inang Kalikasan.
“Gusto naming ipaalam sa lahat ang kahalagahan ng environment at mag-launch ng mga proyekto na makakatulong upang maging mas malinis ang ating kapaligiran. Gusto namin ng mas malinis na kapaligiran,†dugtong ni Bismark.
Ang mga naturang kompetisyon ay bukas sa mga dalagita at batang babae mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Magsasagawa ng isang pang-rehiyon na search kung saan ang mga lalahok ay maglalaban sa apat na kategorya: Casual wear, formal wear, regional costume gawa sa recycled o organic na materÂyales, at ang question and answer portion. Ang mga mananalo sa regional search ay makakasama sa national search. Isang non-finalist ang magkakaron ng pagkakataong lumaban bilang wildcard candidate. Ang pagpili sa naturang wildcard na kalahok ay gagawin sa pamamagitan ng online at text voting at isasapubliko sa grand pageant night na gaganapin sa Mayo 2014.
Upang makasali sa Miss Teen Earth Philippines, ang kalahok ay dapat isang mamamayan ng Pilipinas, walang asawa, at residente ng munisipalidad na kanyang kinakatawan na hindi bababa sa isang taon. Ang mga kalahok naman ng Little Miss Earth Philippines ay dapat, estudyante sa paaralan o home-based study program, at residente ng munisipalidad na kanyang kinakatawan na hindi bababa sa isang taon.
Ang tatanghaling Miss Teen Earth Philippines 2014 at Little Miss Earth Philippines 2014 ay makakatanggap ng P250,000 cash at talent contract mula sa Captured Dream Productions. Ang mananalong Miss Teen Earth ay makakatanggap din ng pondo para sa kanyang napiling proyektong pangkalikasan sa kanyang komunidad.
Para sa mga katanungan, tawagan si Jen Balberona sa 0922-8736617 o sumulat sa cdeproductioons@yahoo.com.ph o captured.dream.entertainment@gmail.com.