MANILA, Philippines - Taong 1892. Hindi umabante ang kampanya ng mga ilustrado na mapabuti ang pamamahala ng Espanya sa Pilipinas. Inaresto at ipinatapon sa Dapitan si Jose Rizal. Bumagsak ang La Liga Filipina. Naghigpit ang Espanya sa mga posibleng magsulong ng insureksyon.
Sa gitna nito, itinatag ni Andres Bonifacio at ilang nagmamahal sa bayan ang Kataas-taasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan, o ang tinatawag na Katipunan. Sinundan ito ng pagkalap ng mga miyembro at armas.
Pero habang naghahanda sa pakikidigma, makikilala ng biyudong Supremo ang magpapatibok muli sa kanyang puso, si Gregoria de Jesus (Oriang). Sa unang pagkikita pa lang, nabighani na ang Supremo kay Oriang. Tutol ang mga magulang ni Oriang sa kanyang panliligaw subalit ipakikita ng Supremo na sa pag-ibig at digmaan man, mahusay siya sa taktika.
Sa pagkamatay naman ni Teresa, tumimo sa puso ni Pacquing ang pagnanais na maghiganti kay Padre Villalon. Si Sebastian naman, mahinahon na tinanggap ang pagkamatay ng kaibigan. Subalit ang mga ito ay simula pa lamang ng ibayong karahasan sa kanilang bayan. Dahil sa balitang may kinalaman si Padre Villalon sa pagpapakamatay ni Teresa, lumayo sa simbahan ang loob ng mga nasa baryo. Lalong ikinagalit ito ng prayle.
Ang mga pangyayaring ito ay may mapapanood sa Katipunan na kinatatampukan nina Sid Lucero bilang Bonifacio, Glaiza de Castro bilang Gregoria de Jesus, Benjamin Alves bilang Sebastian, at Dominic Roco bilang Pacquing. Si Roi Vinzon naman ang gumaganap bilang Padre Villalon.
Ang Katipunan ang kauna-unahang historical docu-drama sa ilalim ng GMA News and Public Affairs. Sumasahimpapawid ito tuwing Sabado, 10:15 p.m., sa GMA 7.