Alam pala ni Mitoy Yonting, The Voice of the Philippines winner, na marami ang hindi pabor sa kanya at may mga nanglalait pa hanggang ngayon.
Alam din niya na hindi niya mapi-please ang lahat pero ibibigay daw niya ang best sa kung saan siya magaling — kumanta.
Kaya lang sa The Buzz na isa siya sa mga bisita noong Linggo ay parang hindi naman niya inilabas ang best birit niya nang mahilingang kumanta ng host na si Boy Abunda. Tatak pa naman ni Mitoy ang male version ng biritera nung nakikipaglaban pa siya sa franchised singing contest ng ABS-CBN.
Medyo napabilis pa nga ang tempo sa kinanta niya. Hindi naman siya siguro nagmamadali kasi mahaba ang ipina-sampol niya. Kahit si Boy na nag-interview sa kanya ay hindi nakitaan na na-impress sa pagkanta ni Mitoy nung oras na ‘yun.
Pagod na ba siya? Ngarag agad sa kabi-kabilang TV guestings at Kapamilya events? Ang bilis namang mapagod ni Mitoy. Nag-uumpisa pa lang ang pinakamalaking break na dumating sa buhay niya.
Lolita, Cooky, at bayang dumarami na ang raket
Dumarami na ang gig o raket ng Tres Marias. Sino ang Tres Marias? Sila ang singing trio nina Lolita Carbon, Bayang Barrios, at Cooky Chua.
Una ko silang napanood nung isang buwan sa evening show ni Arnold Clavio pero bago pa iyon ay kumakanta-kanta na pala sila sa bar o kapag naiimbitahan ng ilang kaibigan sa industriya. At kailan lang ay kumakanta na rin sila sa mga cause-oriented event o sa mga pork barrel scam rally.
Mabuti naman at nakikita na uli sila ng tao. Dahil walang project, madalang makita ng paisa-isa sina Lolita, Cooky, at Bayang. Pero ngayong opisyal na nilang binuo ang trio na tinawag nga nilang Tres Marias, nagkakaroon ng pag-asa ang kanilang mga tagahanga na magiging aktibo na uli sila.
Ang sabi, bumubuo na sila ng materyales para sa kanilang debut album. Hindi sila mauubusan ng mga kanta dahil puwede silang pahiramin ng mga tula at komposisyon ng poet-writer friends nila, katulad na lang sa ginawang project na Salinawit ni Pete Lacaba.
Marami ring songwriters na magkakandarapa na magbigay ng kanta sa Tres Marias. Hindi pa kasali rito ang guitarist-composer husband ni Bayang na si Mike Villegas.
Ang poproblemahin na lang nila kung sakali ay ang record company at distribution. At sana maiayos din ang magandang promotion.