Pen Medina naglabas pa ng isang anak, baguhan pa lang pero best actor agad!

Tila nagkakalat ng kanyang lahi ang character actor na si Pen Medina sa showbiz ngayon dahil may isa na naman niyang anak ang pinasok ang pag-arte at nanalo pa ng kanyang first acting award sa kanyang first movie.

Pagkatapos na mag-artista sina Ping at Alex Medina, heto naman at pumasok na rin ang kanyang panganay na si Karl Medina, ang nanalo bilang best actor sa unang pelikula nito na The Guerilla is a Poet sa CineFilipino Film Festival.

Nagulat daw si Karl sa pagkapanalo niya bilang ang Communist Party of the Philippines leader na si Jose Mari Sison.

Hindi niya ini-expect na siya ang naging frontrunner for best actor ng filmfest ng TV5.

Ito ang ikalawang beses na gumanap bilang Joma si Karl dahil una niyang acting experience ay para sa isang docu-drama ng Case Unclosed ng GMA 7. Gumanap siya bilang batang Joma.

Nagulat ang ama nitong si Pen dahil hindi niya akalain na may tinatagong husay sa pag-arte ang kanyang panganay. Never daw kasi itong nagpaturo sa kanya tungkol sa pag-arte.

Tahimik lang si Karl at mahilig sa pagpipinta at ang sport nito ay skateboarding.

Ang dalawa pang anak ni Pen ay lumikha na ng ingay sa showbiz. Si Ping ay kasama ngayon sa GMA teleserye na Prinsesa ng Buhay Ko at nasa cast siya ng Transit na siyang Philippine entry sa Oscar Awards 2014.

Si Alex naman ay nanalo ng best actor para sa Cinema One Original film na Palitan last year at kakalabas lang niya sa Babagwa (The Spider’s Lair) na isa sa naging entry ng 9th Cinemalaya Indepen­dent Film Festival.

Hindi magpapatalo ang ama sa pagiging busy ng kanyang mga anak. Kasama si Pen sa cast ng bagong afternoon series ng GMA 7 na Magkano Ba ang Pag-ibig? bilang ama ng bidang si Heart Evangelista.

Megan na-reject sa Bb. Pilipinas para makuha ang trono sa Miss World pagkatapos ng mahigit 60 taon

Natupad ang pangarap ni Megan Young at ng buong Pilipinas na magkaroon na tayo ng kauna-unahang Pinay na maiuwi ang korona ng Miss World.

Since its launch in 1951, wala pang Pinay ang nakakasungkit ng korona pero meron namang mga nagmuntik-muntikan na tulad ni Evangeline Pascual na first runner-up noong 1973; Ruffa Gutierrez na second princess (2nd runner-up) noong 1993; at si Gwendoline Ruais na first princess (1st runner-up) in 2011.

Nag-iba na nga ang kapalaran ng Pinay sa Miss World dahil sa very positive and charming presence ni Megan.

Sa simula pa lang ng pageant ay marami nang napapahanga ang aktres dahil sa kanyang bubbly personality. Dala na rin iyon ng kanyang pagiging artista, TV host, at naging video jock pa siya para sa isang music channel.

Nagsimula si Megan sa Starstruck 2 at ka-batch niya ang mga naging winner na sina Mike Tan at Ryza Cenon; at sina LJ Reyes, CJ Muere, Kevin Santos, Kirby de Jesus, Aileen Luna, at Benj Pacia.

Noong lumipat si Megan sa ABS-CBN pagkatapos na mag-expire ang contract niya sa GMA Artist Center, doon mas nahasa ang galing niya sa pagiging TV host dahil nilagay siya sa lifestyle show na Us Girls.

After niyang mag-support sa ilang teleserye, pinagbida naman siya sa Precious Hearts Romance Presents Hiyas na si Zanjoe Marudo ang partner niya.

Nitong huli ay napapanood na madalas si Megan sa TV5 via Never Say Goodbye at Misibis Bay. Hiniram muna siya ng Singko dahil wala ngang shows pa na ginagawa si Megan sa bakuran ng Dos.

Sinubukan palang magpa-screen sa Binibining Pilipinas si Megan pero ni-reject siya dahil sa kanyang sexy pictorial sa Rogue Magazine noong 2012.

Hindi nga nawalan ng pag-asa si Megan at sa tulong ni Jonas Gaffud, ang manager, mentor, at trainer ng mga Miss Universe runners-up na sina Venus Raj, Shamcey Supsup, and Janine Tugonon, pinasok ito sa Miss World Philippines at naging instant favorite nga.

Ngayon ay maitatala na sa history ng international beauty pageants na si Megan ang first Pinay na nanalo ng Miss World title na siyang naging mailap for more than half a century!

Matutupad na rin ang pangarap ni Megan na makatulong sa maraming nangangailangan sa buong mundo dahil nga sa Beauty with a Purpose cause ng Miss World Org.

   

 

Show comments