Pelikula ni Vin Diesel na nagbukas pa lang sa mga sinehan, napapanood na sa bus ang pirated copy!

In na in ang isang bus na nasakyan ko nung Miyerkules ng gabi. Ipinapanood na nila sa mga pasahero ang bagong pelikula ni Vin Diesel na Riddick!

Nakakawindang ’di ba? Noong Miyerkules lang ang first day ng showing ni Vin at nung kinagabihan ay pirated copy na ang pinapanood naming mga pasahero.

Ano kaya ang masasabi ng Hollywood action star na giliw na giliw pa naman sa Pilipinas? Todo-promote rin siya bago ang showing ng Riddick pero hayan at pinirata na pala ang kasunod niyang pelikula pagkatapos ng Fast and Furious 6 nung Mayo.

Baka hindi na siya ganahang ituloy ang inilalakad niyang pelikula na sa Pilipinas gagawin!

This is the End matagal nang na-download sa website

Ang pelikula namang This is the End, na sob­rang dami ng kalokohan at katatawanan at exclusive lang ipinalabas sa Ayala Cinemas, ay matagal nang na-download sa isang movie website ng isang kakilala.

Siguro mga dalawang buwan na ’yung huli niyang nabanggit na napanood na niya ang comedy film nina Seth Rogen, Jay Baruchel, at James Franco. Nung panahon na ’yun ay hindi pa palabas kahit sa Amerika ang pelikula. Isang buwan pa ang nakaraan bago naipalabas. Saan at paano kaya kumalat sa Internet ang This is the End?

Pero dahil maganda ang word of mouth, patok sa Ayala Cinema moviegoers ang American movie na This is the End. Nagpaka-natural ang cast at binigyan ng ibang imahe ang langit kung magkakaroon ng apocalypse.

Microphone sa dalawang indie nakaumbok sa mga bida

Pansin na pansin sa dalawang indie film ang microphone na nakaumbok sa likod ng mga artista. Nakatago nga sa loob ng damit pero kapag tumatalikod ay bakat na ang parang recorder box.

Dahil iilang tao lang ang bumubuo ng indie film, may pagkakataon talagang hindi na mabubusisi ang lahat ng detalye lalo na kung maliit na bagay lang.

Kung sabagay, kahit nga ang malalaking Hollywood film kung minsan ay pumapalpak din. May isang pelikula si Tom Hanks na sa isang eksena ay lumabas ang boom mic, ‘yung mahabang mikropono na nakalaylay mula sa itaas. Nahagip ng camera ang dulong bahagi nito sa may ulo ng bida pero siyempre ay hindi na lang pinansin.

So, ano kaya ang mas mainam na gamiting mikropono? 

*  *  *

May ipare-rebyu? E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com

 

Show comments