Sa presscon ng Bukas na Lang Kita Mamahalin ay sinabi ni Dina Bonnevie na kontrabida ang karakter na gagampanan sa Kapamilya serye at kakambal na raw niya ang kasungitan.
Kaya nga maraming nagalit sa kanya sa May Bukas Pa dahil sa pang-aapi kay Zaijian Jaranilla o Santino.
Dito sa Bukas na Lang Kita Mamahalin ay balik-kontrabida na naman siya pero ang maganda ay laging may redemption naman bago magwakas ang teleserye.
‘‘Ayoko nang maging evil. Baka makaapekto sa aking asawa na isang pulitiko. Ayaw ko nang pumatay ng tao. Pero nung sumama ako sa pangangampanya ng aking asawa ay nag-smile naman ako sa mga tao. Kaya ang sabi nila ay hindi naman pala ako bad,’’ sabi ng aktres.
Ang Bukas na Lang Kita Mamahalin ay pagbibidahan nina Gerald Anderson, Dawn Zulueta, Cristine Reyes, Rayver Cruz, at Tonton Gutierrez na magsisimula na sa Sept. 2 sa direksiyon nina Trina Dayrit at Jerome Pobocan.
Gerald minani na lang ang pagiging preso
Isang bilanggo uli si Gerald Anderson sa Bukas na Lang Kita Mamahalin dahil nakulong ang kanyang karakter sa isang ibinintang na krimen. Inamin nito na malaki ang natutunan niya sa pelikulang On the Job, bilang isa ring bilanggo, kaya reyalistikong nagampanan ang role sa TV series. Ginamit niya ang mga natutunang pag-arte ng isang preso.
Tinanong ang aktor kung kanino niya sasabihin ang Bukas na Lang Kita Mamahalin.
‘‘Siyempre sa mahal ko na mahal ko ngayon hanggang bukas,’’ sagot niya na alam na natin kung sino.
Sa kabilang banda, naseseksihan siya kay Dina kaya bumili pa ng FHM.