Nakakalungkot nga ang sinapit ng Ang Huling Henya ni Rufa Mae Quinto na tuluyan nang nawala sa mga sinehan ngayong linggo. Mas tumagal pa ang cartoon film na Planes at ang katatakutang Conjuring.
Nung ipinalalabas din ang Henya ay pahirapan na makahanap ng last full show ng 9 o 10 p.m. dahil maaga ang screening niya sa ilang malalaking malls at may kahati pa sa naka-assign na iisang sinehan.
Nangyayari raw iyon, ayon sa isang cinema ticket person, kapag walang masyadong nanonood. Kahit kasi local film basta kumikita pa sa ikalawa at ikatlong linggo ay inilalagay nila sa mas malaking cinema at may 10 p.m. pa na schedule tulad nang nangyari sa Bakit Hindi Ka Crush ng Crush Mo? at sa ngayon ay ganun ang nangyayari sa kabubukas pa lang na On the Job o OTJ.
Hindi man kasing lakas daw ng Bakit Hindi... ang OTJ sa opening day nito ay tinatao naman ang Star Cinema action film at ini-expect nila na mas maraming manonood pa ngayong Sabado at Linggo.
Kasabay ng OTJ ang Instant Mommy na nag-umpisa nung Miyerkules pero sa kasamaang palad ay limitado na rin ang sinehan at sked ng indie film ni Eugene Domingo. Nakakadismaya dahil may matututunan pa nga sa pelikula ni Uge kesa sa The Mortal Instruments: City of Bones na nakapagtatakang lumalaban pa rin ng puwesto sa mga sinehan.
At kung action movie na may pagka-fantasy din lang ang hanap n’yo ngayong weekend ay mas kareko-rekomenda pa ang R.I.P.D. nina Ryan Reynolds at Jeff Bridges dahil kahit ala-Men in Black ito ay malapit naman sa katotohanan. Iyon ay kung naniniwala kayo sa langit at lupa bilang Kristiyano.
Pero may dalawang Hollywood films din ang naging underdog ngayong linggo -- ang The Frozen Ground at ang Jobs. Siguro iyon na lang ang gawing pampa-kalma ni Rufa Mae, na may malalaking pelikula nga na ginastusan ng todo pero dinededma lang ng maraming tao. At wala nang bagyo ‘di ba? Siguro naman hindi ganun kalaki ang talo niya sa ipinuhunan sa Ang Huling Henya at baka puwede pa uli siyang magbakasakali sa pagpoprodyus sa susunod.
May ipare-rebyu?
E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com