May short film sa you tube si Rico Blanco, kasama si Ramon Bautista. Pinamagatan niyang On the Way ang pitong minutong pelikula na hindi naman masyadong comedy.
Ipinakita sa kuwento na ang dalawang magkaibigang lalaki ay parehong nagsisinungaling na paparating na kuno sa meeting place nilang basketball court pero kung anu-ano pa pala ang ginagawa sa bahay. Mas late si Ramon dahil habang si Rico ay nagpi-free throw na sa ring, siya naman ay patapos pa lang mag-crossword puzzle sa diyaryo kasabay ng kanyang agahan.
Simple, magaan, at malinaw namang panoorin ang On the Way na inilabas noong Aug. 16 lang sa YouTube. May 10,000 views pa lang ang short film ni Rico.
So, sumusubok na rin ang musikero sa filmmaking pagkatapos umarte sa ABS-CBN? Kung ganun nga, kailangang seryosohin niya ang paggawa ng pelikula kahit gaano pa ito kaiksi. Hindi naman siguro siya gumawa ng short film para maglaro.
Pero hindi si Rico ang unang bokalista na gumawa ng short film. Nauna na sa kanya si Ely Buendia (o baka may iba pang hindi kasing popular).
Kaya lang wala rin namang masyadong feedback ang kay Ely at hindi mahanap sa YouTube ang kanyang ginawang Waiting Shed. Taong 2008 pa ’yung 13-minute short film at sila pa ni Diane Ventura noon ang magkatuwang.
Ex-dyowa na ngayon ng singer-songwriter si Diane pero patuloy pa rin ang huli sa paggawa ng pelikula. Ang short film na The Rapist, na ginawa niya bilang direktor noong isang taon, ay naging nominado pa sa
International Film Festival Manhattan sa New York, USA.