FPJ movies malapit nang mapanood sa ABS-CBN

MANILA, Philippines - Mapapanood na sa ABS-CBN at sa iba-ibang channels nito ang ilan sa mga pamanang pelikula ng nag-iisang Fernando Poe, Jr. bilang regalo sa mga tagahanga ng Hari ng Pelikulang Pilipino sa kanyang kaarawan at upang isabuhay ang kontribusyon niya sa industriya at masang Pilipino.

Ipapalabas ang mga hindi malilimutang obra ni Da King sa pagbabalik ng FPJ movie timeblock sa Channel 2 na pinamagatang FPJ, Da King. Makakapili rin ang viewers ng sari-saring pelikulang gusto nilang mapanood sa paglulunsad ng bagong movie blocks sa Studio 23, ang FPJ, ang Nag-iisang Alamat; sa Cinema One ang FPJ, ang Hari ng Pinoy Cinema; sa Jeepney TV, ang FPJ, Ang Da King Magpakailanman; at sa The Filipino Channel (TFC), FPJ, ang Simbolo ng Pilipino.

Ilang linggo bago ang launch at bilang handog sa mga tagahanga ni FPJ, maghahanda ng FPJ-inspired skits at bibida ang FPJ impersonators sa Banana Split Extra Scoop at sa Gag U ng Studio 23, samantalang may espesyal na number sa Sunday musical variety show na ASAP 18 tampok ang mga sikat na theme songs ng mga pelikula ni FPJ. Huwag ding palampasin ang FPJ trivia contest sa DZMM at MOR 101.9, at ang pagpapalabas sa Cinema One ng Alay ni Da King: An FPJ Special, isang TV special na hinimay ang pagkatao ni FPJ bilang aktor at alagad ng sining, bilang kaibigan at katrabaho, at bilang idolo ng masa. 

Nakuha kamakailan ng ABS-CBN ang rights para ipalabas ang mga pelikula mula sa ekslusibong movie library ni FPJ, isang koleksiyon ng mga pelikulang kinatampukan, sinulat, idinerehe, at ipinrodyus niya.

Abangan ang mga pelikula ni FPJ sa ABS-CBN, Studio 23, Cinema One, Jeepney TV, at TFC.

Show comments