MANILA, Philippines - Matapos ang hearing kahapon sa Quezon City court ay nagkasundo na ang mag-asawang sina Cesar Montano at Sunshine Cruz sa custody sa kanilang tatlong anak na may kinalaman sa petition for habeas corpus na naisampa ng aktres sa sala ni QC RTC Branch 107 Judge Jose Bautista.
Dahil sa naipalabas na gag order ng korte sa kaso ay hindi naman nagbigay ng anumang detalye ang mga abogadong sina Joel Ferrer at Bonifacio Alentajan hinggil sa napagkasunduan ng magkabilang panig.
Sa dalawang oras na court proceedings, napag-alaman na nagkasundo ang magkabilang panig na maghati sa kustodiya sina Montano at Cruz sa kanilang tatlong anak. Ang kasong ito ay muling diringgin sa Oktubre.
Matapos ang hearing, inihatid pa ni Montano si Cruz at mga anak sa sasakyan ng aktres.
Kung matatandaan, si Cruz ay nagsampa ng petition for habeas corpus laban kay Montano nang hindi iuwi ang mga anak sa kanyang poder.
Ang kasong petition for habeas corpus ay iba pa sa kasong naisampa ng aktres laban sa hiniwalayang asawa hinggil sa paglabag sa Republic Act 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Children Act of 2004 matapos sabihin ng aktres na siya ay ni-rape ng aktor noong Mother’s Day.
Una nang sinabi ni Montano na hindi niya ni-rape ang asawa dahil naimbitahan siya ni Cruz noong Mother’s Day na mag-dinner sa isang hotel kasama ang mga anak.
Bukod sa paratang na panggagahasa ay bahagi rin ng kaso ng aktres ang ginawang pag-untog at pananampal diumano sa kanya ng aktor.
Niliwanag naman ng kampo ni Montano na hindi sila magsusumite ng counter affidavit laban sa aktres dahil baka makaapekto ito sa kanilang mga anak.