Pia Guanio napapansin sa lifestyle show

Mag-iisang buwan nang napapanood si Pia Guanio sa Home Base ng GMA News TV at mukhang dahil sa kanya ay mas napapansin na ang programa. Nagmukha kasing bago ang lifestyle/home design show sa pagdating niya pero ang totoo ay si Pia ang bago sa pang-Sabado ng umaga na palabas.

Nasa ika-limang season na kasi ang Home Base sa Channel 11. Mas naha-light na ang programa kapag nagpa-plug ito para sa kanilang susunod na episode. Siyempre pamilyar na kasi ang mukha ng TV host sa araw-araw sa sister station na Channel 7 kaya nabigyan niya ng star value ang Home Base.

Bagay din naman kay Pia, at panahon na rin para magkaroon siya ng sariling show, dahil sanay na siya sa hosting at sosyal din naman kasi siya talaga. Makakatulong din na magkaiba minsan ng audience ang GMA News TV at GMA 7, depende sa programa.

Para ngang naging morenang version si Pia ni Daphne Oseña-Paez na matagal humawak ng Urban Zone sa ABS-CBN na tungkol din sa mga magagandang tirahan at mga gamit sa loob ng bahay.

Ang Home Base ay mula sa produksiyon ng Marnie Manicad Productions International (MMPI) na siya ring namamahala ng motoring show na Turbo Zone.

Ang MMPI rin ang ang nasa likod ng nakaraang Dance of the Steel Bars ni Dingdong Dantes.

Boobs ng bida sa Before Midnight umagaw ng eksena

Hindi naging kasing ganda ng mga naunang Before Sunrise at Before Sunset ang pelikulang Before Midnight. Actually, ang pinaka-raw o puro lang talaga ay ang unang pelikula na Before Sunrise nina Ethan Hawke at Julie Delpy bilang young lovers na sina Jesse at Celine. Kung may matatawag na indie film na love story nung panahon na ’yun, sila ’yun.

Nag-mature na kasi ang mga bida ngayon at komplikado na ang mga argumento nila. Hindi katulad nung una na maraming kabataan pa ang makaka-relate sa kanila. Pagkatapos ng ilang taon, na nadagdagan ang timbang at kulubot nila sa mukha, ang away ng “mag-asawa” ay tungkol na sa mga nag­lalakihang anak nila, stress sa trabaho, at obligasyon sa bahay. Boring.

Paminsan-minsan ay may sundot pa rin ng katatawanan ang mga prangkang usapan nina Jesse at Celine pero nakakasawa na ang masyadong mahahaba nilang kuwentuhan. Pero ’yun naman din kasi ang tinutumbok ng trilogy ng director na si Richard Linklater — ang malalim na koneksiyon ng mga pangunahing tauhan bukod sa physical attraction nila sa isa’t isa. Sa Before Midnight ay naipakita na mas madaldal pa si Celine at nakakairita na pero nasasakyan pa rin siya ni Jesse.

Kung kelan lang sila naging 41 years old ay saka naman parang over ang breast exposure ni Celine at foreplay ni Jesse na hindi romantic ang pagkakagawa. Hindi rin naging sweet at lalong hindi na cute ang dating ng couple. Sinadya rin na hindi naging erotic ang istilo ng direktor dahil mas umaagaw ng atensiyon ang mga dialogue nila.

Pero medyo nagulat pa rin ang ilang kabataang magba-barkada na nakapanood sa Glorietta 4 sa Makati City na may mga ganung eksena dahil R-16 lang naman ang pelikula. Ang mga lalaki siguro ang nagising at higit na nag-benefit sa pagkakaantok sa mga kuwentuhan ng karakter.

Four Sisters… hindi pa tinatanggal sa ilang sinehan

Meron pa ring paisa-isang sinehan sa malalaking malls na inilalaan para sa Four Sisters and a Wedding nung nakaraang weekend. Pero ang My Lady Boss ay wala na sa karamihan.

Katulad din ng World War Z na tumagal pa ng konti kumpara sa Man of Steel. Siyempre kumakalat mula sa mga nakapanood na kung alin ang mas malakas ang dating ng pelikula sa kanila. Kapag sinabing ’yung ganito o ganyan ang mas maganda ay ’yun ang hinahabol panoorin ng iba na hindi nakipagsabayan nung kasagsagan ng first week of showing.

Ewan lang kung ngayong weekend ay may mapapanood pang Four Sisters... o World War Z dahil marami na ring bago nung Miyerkules at Huwebes. Nagdagsaan na nga ang mga tao nung pumasok ang mga higanteng Despicable Me 2 at Pacific Rim. Mabuti nga at may naiwan pa para sa mga lumang pelikula nung nakaraang weekend dahil alam ng sinehan na may pumapasok pa para manonood.

May ipare-rebyu? E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com

 

Show comments