Nitong Abril 28 ang ika-anim na taon na ng paghahanap ni Gng. Edita Burgos sa pagkawala ng kanyang anak na aktibistang si Jonas Burgos kaya naman timing talaga ang pelikula tungkol dito na pinamagatang Burgos.
Ginagampanan ni Lorna Tolentino ang karakter ni Gng. Edita at asawa naman niya si Tirso Cruz III bilang Jose Burgos, Jr. na dating publisher isang diyaryo noong rehimeng Marcos.
Magagaling ang lahat ng artista sa pelikula lalo na si Lorna dahil marami itong pinaiyak na mga nanay. Damang-dama nila ang sakit at paghihirap ng damdamin na inilarawan ni Gng. Burgos dahil sa paghahanap ng kanyang nawawalang anak.
Ang focus ng kuwento ay ang pinagdaanang buhay ni LT bilang Edita at ang paghahanap sa kawalan at patuloy na paglalakbay ng isang inang naghahanap ng kanyang anak.
Ayon kay Ricky Lee, puno ng pagsasaliksik ang script kasi hindi ito puwedeng maging kathang-isip lang. Bukod sa full research, may interview din sa pamilya at mga kaibigan.
Sa kabilang banda, nagustuhan naman ni Direk Joel Lamangan ang treatment na tahimik at subdued ang mga eksena.
Ipapalabas ang Burgos sa Aug. 3 sa Main Theater ng Cultural Center of the Philippines sa ganap na alas-nuwebe ng gabi at ang pelikula ang magiging closing film ng 2013 Cinemalaya Independent Film Festival.
Ayon pa rin sa multi-awardee director na si Joel, ipalalabas din ito sa ibang bansang may advocacy sa human rights violations, sa mga Filipino community, non-government organizations, dayuhang advocates, educators, at mga estudyante.