Four Sisters… at My Lady Boss pinanood kahit may kasabay na mga Hollywood film

Nakikipagsabayan pa ang dalawang local films sa mga palabas sa sinehan ngayon at nakatutuwa na marami pa rin ang pumapasok sa Four Sisters and a Wedding na nasa ikatlong linggo na at sa My Lady Boss na nasa ika-dalawang linggo naman.

Nagkaroon kasi ng option ang moviegoers na mamili sa Pinoy family drama ng Star Cinema o ang romantic comedy ng GMA Films at Regal Entertainment, Inc. kesa manood ng Ingles na cartoon film o ng action movie nitong mga nagdaang linggo. 

Sa dalawang pelikula, mas lumamang ang idinirek ni Cathy Garcia-Molina sa bigat ng tema at cast. Hindi pagpapatawa ang layunin ng Four Sisters and a Wedding pero kapag humirit ang mga nasa cast ay nakakatawa talaga. Dahil siguro family drama ito, ang lumabas na isa sa mga minimithi nila ay maglabanan sa iyakan ang magagaling na female stars — at nagtagumpay nga sila dahil humikbi rin ang mga manonood.

Gamay na gamay na ni Direk Cathy ang Star Cinema formula. Alam na niya kung paano kulitin at kurutin ang mainstream movie fans kaya naging consistent siya.

Dito naman medyo sumablay si Jade Castro. Hindi naging consistent ang personal touch niya sa My Lady Boss.

May mga tumalun-talon na eksena at atake siya sa My Lady Boss kaya hindi ito naging kasing linis at diretso ng iba pa niyang nagawa.

Ang kagandahan naman ay nakapag-entertain ang magagandang mukha at chemistry nina Richard Gutierrez at Marian Rivera bilang Zach at Evelyn sa istorya. Magaan ang kombinasyon nila at feel good talaga ang ikalawa nilang pelikula.

At sa My Lady Boss ay sila lang talaga ang aasahang magdala ng rom-com movie dahil sa kanila lang isinentro ang istorya. Pero maganda ang pagkakapasok ng mga karakter nina Ronaldo Valdez, Rocco Nacino, at Maricel Laxa na ang ganda sa big screen. Okay na rin sina Tom Rodriguez at Ruru Madrid.

Ang mahirap ay ang moment ng bawat lead character sa Four Sisters and a Wedding pero naitawid ito ng direktora. Napaghati-hati talaga sa kanila ang takbo ng kuwento pero angat na angat ang kina Teddie (Toni Gonzaga) at Bobbie (Bea Alonzo). Bagay din kay Gabby (Shaina Magdayao) ang maging kanang kamay sa bahay ng Mama Grace niya (Coney Reyes). Okay lang din si Alex (Angel Locsin) kahit parang nasa Toda Max lang ang pagka-at home niya sa pelikula.

Ewan kung bakit ginawa namang drama actor si Enchong Dee sa pelikula bilang bunsong kapatid na si RebReb. Ilang beses siyang nagalit, sumigaw, umiyak, at nakipagkompronta sa mga ate niya.

Ang isa pang magandang katangian sa Four Sisters... kahit supporting cast ay may kanya-kanyang highlight din kaya hindi nakakainip panoorin. Swak na sina Angeline Quinto at Boboy Garovillo bilang mag-ama pero hindi magiging wacky ang Bayag Family kung wala ang luka-lukang matriarka nitong si Carmi Martin.

Maganda rin ang ibinigay na parte kina Sam Milby bilang si Tristan na boyfriend ni Bobbie, Bernard Palanca bilang si Chad na ex-BF ni Bobbie at current ni Alex, pero ang panalo talaga ay si Janus del Prado bilang si Frodo na dyowa-dyowaan lang ni Teddie. 

Pero ang kaisa-isa sigurong matatawag na maliit na kapintasan ng pelikula ay ang pamagat nila na nahahawig sa Four Weddings and a Funeral na sikat na sikat noong mid-’90s. Medyo nakakalito para sa aming henerasyon pero tiyak na hindi na para sa mga teenager ngayon.

* * *

May ipare-rebyu? E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com

 

Show comments