Isang linggo nang nakikihati sa kinikita ng Man of Steel ang bagong bayani sa mga sinehan -- si Gerry Lane (Brad Pitt) ng World War Z. Sa kasalukuyan ay pareho silang namamayani ni Superman sa takilya.
Ibang level naman ang hatid na kasiyahan nang panonood ng World War Z dahil dadaanin kayo sa kilabot. Zombie o patay na buhay ang pinaka-kalaban ni Gerry dito, isang dating eksperto sa war zones na tauhan ng United Nations. Namumuhay na sana siya ng tahimik sa piling ng asawa at dalawang babaeng anak kung hindi lang dumating ang delubyo sa buong mundo. Mabilis na kumakalat na parang epidemya ang mga zombie at doon na nagulo ang mundo ni Gerry.
Ang World War Z ay mula sa Paramount Pictures at co-produced ng Plan B Entertainment ni Brad. Siya ang nakakuha sa rights para isapelikula ang nobela ni Max Brooks na nabuo nung 2006. Mukhang maganda nga ang libro dahil maganda ang pelikulang idinirek ni Marc Forster. At umabot daw ng $125 million ang budget kaya matutuwa ang buong produksiyon kung makakabawi sila nang kita sa buong mundo.
Kung hindi kayo fan ng horror film na gumagamit ng zombies na usung-uso na ngayon hanggang video games ay baka hindi n’yo matipuhan ang World War Z. Pero baka ikatuwa n’yong malaman na iniba ng konti ang typical na “undead†dito kumpara sa classic na Night of the Living Dead at sa modern TV show na The Walking Dead o kung ano pa mang palabas na nakakadiri ang zombie kung magsikain ng tao.
Pangit pa rin silang tingnan pero hindi na sa hitsura nila nakatutok ang pelikula. Ang focus dito ay ang nakakatakot na mabilis nilang pagdami sa isang kagat lang kaya nanganganib maubos ang sangkatauhan. Ganun din ang kakaibang characteristic ng mga makabagong zombie sa World War Z na hindi sila makupad kumilos. Kaya nilang tumakbo, tumalon, at mas agresibo pa kapag may nadidinig na ingay.
Si Gerry naman ay napasubo lang na tumulong sa problema dahil nagipit ng isang heneral. Wala siyang balak magpaka-bayani pero nung kinailangan nang pagkakataon ay over-over naman sa pagka-hero na tipong siya lang ang itinakdang sumaklolo sa sanlibutan.
Katulad ng mga nauna kong paboritong 28 Days Later at 28 Weeks Later na British films ay walang ipinakita na nasukol lahat ang mga zombie sa World War Z pero ang pagkakaiba sa huli ay nakakita ng pansamantalang solusyon si Gerry para mapigilan ang pagdami nila. Pero kung paano tuluyang tatapusin ang laban o kung natukoy ba ang pinagmulan ng zombie pandemic ay hindi na nalaman sa istorya.
Kasama rin sa horror-action-thriller movie sina Mireille Enos bilang Mrs. Karin Lane, James Badge Dale bilang si Captain Speke, David Morse na ex-CIA agent, Peter Capaldi na isang WHO doctor, si Fana Mokoena bilang si Gen. Thierry Umutoni, at Israeli soldier na si Daniella Kertesz.
Dito sa World War Z malalaman kung gaano kaimportante ang skills ng isang tao. Ipinakita rin na hindi mahalaga ang posisyon o puwesto (patay na ang US president at nawawala ang kanyang bise) kundi ang kaalaman ng tao sa science at military. Sila ang mas kailangan at may tsansang mabuhay.