Nanonood kami noong isang araw ng Eat Bulaga na ipinakikita nila ang birthday celebration ng child star na si Ryzza Mae Dizon. Natawag ang aming pansin noong ang tinawag na nila para bumati sa kanya ay ang kanyang ina mismo.
Ipinaalala ng nanay ni Ryzza ang katotohanan na noon ay pumupunta sila kahit na saang may audition dahil naniniwala siyang may talent ang kanyang anak at inamin niya na kahit na umuulan ay nakapila sila. Minsan ay wala pa silang pagkain. Pero nagtiyaga sila hanggang sa makasali na nga si Ryzza sa Little Miss Philippines at mabigyan ng break sa Eat Bulaga.
Ang mas mahalagang sinabi ng kanyang ina, huwag siyang makakalimot na magdasal sa Diyos at lalong huwag siyang makakalimot na magpasalamat sa mga taong tumulong sa kanya.
Makikita mo na siguro nga dati silang mahirap lamang pero si Ryzza ay pinalaki ng kanyang mga magulang na natuturuan ng tamang values. Sinisikap nilang papanatilihin ang kanyang mga paa na nakatapak sa lupa. Sinisikap nilang manatili siyang nananalig sa Diyos. Iyon ang mahalaga sa lahat. Iyon ang dapat na napapanood ng ibang mga magulang at lalo na ng mga bata. Kasi isang inspirasyon iyon sa kanila na kahit pala mahirap sila, kung matututo silang tumawag sa Diyos at magiging mabuti sa kanilang kapwa, darating ang araw na kagaya ni Ryzza ay magkakaroon din sila ng magandang kapalaran.
Maganda rin ang leksiyon na iniwan ni Joey de Leon kay Ryzza tungkol sa mangga. Minsan matamis at minsan maasim pero kinakain mo pa rin. Parang buhay ng tao, na hindi sa lahat ng panahon ay maganda ang nangyayari. May nangyayari ring maasim, mayroon pa ngang mapait, pero kailangang magpatuloy ang buhay.
Hindi lang namin nagustuhan ang payo ni Vic Sotto na nagsabing kailangang maging palabasa si Ryzza at lagi raw babasahin ang Pilipino Star NGAYON. Hindi niya kasi binanggit ang PM, ang sister tabloid.
Man of Steel nagturo ng Christian values
Marami ang nagtatanong, bakit daw namin ineendorso ang Man of Steel kaysa sa isang pelikulang Pilipino? Una, dahil napanood na namin ang Man of Steel at nakita naming napakaganda ng opticals. Makikita mo ring ang pelikula ay ginamitan ng mga pinakabagong teknolohiya sa pelikula ngayon.
Pero ang talagang dahilan kung bakit namin ineendorso ang pelikula ay dahil sa magandang aral na mapapanood ng mga bata at maging ng mga may isip na sa pelikulang iyon.
Sinasabi sa pelikula na ang pagbagsak ng planetang Krypton na siyang pinagmulan ni Kal-El ay dahil sa ginawa nilang population control. Mas namayani tuloy ang masasama. Nakikita natin ’yan na maaaring mangyari rin sa atin.
Noong gagawa na si Kal-El ng isang mahalagang desisyon, kinausap niya ang isang pari. ’Tapos ipinakita siya sa kanyang paghihirap na nananalangin, sa likod ay nakikita pa ang stained glass na may larawan ni Hesukristo. Maliwanag sa amin na ang pelikulang Man of Steel ay nagpapakita ng positibong Christian values. Eh bakit mo ieendorso ang ibang pelikulang wala namang mapupulot na magandang aral? Hindi naman kami iyong kagaya ng iba na nag-eendorso lamang ng pelikula dahil publicist sila at binabayaran para gawin iyon.
Ang dapat panoorin ay ang mahuhusay na pelikula lamang. Hindi iyong ginawa lang para pagkakitaan ng kung sino.