Handa nang magpaka-daring si Bangs Garcia sa entry ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) na Sineng Pambansa ni Mel Chionglo na Lauriana. Nagsimula na ang shooting nila noong Linggo sa Padre Burgos sa Bondoc Peninsula sa Quezon.
Kinausap ni Direk Mel ang seksing aktres at ipinaliwanag sa kanya ang script at ang karakter na gagampanan.
‘‘Nawala lahat ang kaba ko. Higit sa lahat launching movie ko ito at naintindihan naman ng aking magulang ang role ko sa Lauriana. Ako si Lauriana, isang baylerina na minahal ng husto at ibinahay ni Allen Dizon na isang sundalo na masyadong obsessed sa akin. Ikukulong ako at bubugbugin pa,’’ aniya.
Tinanong din namin ang aktres kung hanggang saan ang pagpapaka-daring niya.
‘‘Siguro hindi ako handa sa frontal nudity pero puwedeng magpakita ng dibdib basta’t artistically done at magiging sexy ang dating. Walang censorship dito, ayon kay Direk Mel, dahil entry nga ng Sineng Pambansa filmfest,’’ dagdag pa ni Bangs.
Kagagaling lang ng aktres sa isang bakasyon at nakapagpahinga naman pagkatapos ng Kung Ako’y Iiwan Mo sa ABS-CBN. Nagpunta si Bangs sa Amerika, Dubai, at iba pang bansa.
Direk Mel excited makita sa pelikula ang sariling probinsiya
Excited na si Direk Mel Chionglo sa Lauriana dahil ito ang unang pelikula niya na ang location ay sa kanyang province sa Quezon.
Sabi nga niya, ‘‘Batay ito sa tunay na pangyayari na nangyari noong 1950s sa isang bayan sa Quezon.â€
Mahalagang papel ang gagampanan ng batang si Adrian Cabido dahil siya ang makakasaksi sa lahat nang pangyayari sa buhay nina Lauriana at Samuel Corazon (Allen Dizon) lalo na ang pambubugbog nito sa kinakasama. Traumatized ang bata at nang lumaki ay apektado na ang kanyang values.
Prodyuser ng indie film na Lauriana si Baby Go na gusto ang mga kuwento na nauukol sa domestic violence. Siya rin ang nagprodyus ng Lihis at Burgos ni Joel Lamangan.
Para kay Allen, isang award-winning movie ang Lauriana at para kay Bangs Garcia ay sobrang challenging ang karakter na gagampanan niya na puwedeng magbigay sa kanya ng acting award.