Maxene handa nang maghasik ng lagim

Bago kami magpunta sa presscon ng bagong afternoon prime teledrama ng GMA, Mga Basang Sisiw, sinabi ng aming psychic friend na isa o dalawa sa limang bagong tuklas na batang artistang tampok sa tearjerker ay magiging big star.

Kaya naman sa unang kita pa lang sa kanila ay inobserbahan naming mabuti kung sino kina Renz Valerio, Bianca Umali, Kimberly Faye, Hershe Garcia, at Miko Zarsadias ang sisikat ng husto. Ma­hirap humusga agad, lalo pa’t lahat sila ay may kanya-kanyang charisma at talento.

Sa tagal ng GMA network sa patuloy na pagtuklas ng mga batang artista, alam na nila kung may potential ang kanilang new discoveries. Sa amin naman, higit na malaki ang atraksiyon ng mga natural na bata ang kilos at hindi ang mga paslit na nag-aastang matanda. Higit na lovable pa rin ’yung mga tunay na tsikiting pa rin ang paggalaw at ugali.

Isang 1981 blockbuster ang Mga Basang Sisiw at malamang na hindi na ito napanood ng kabataang televiewers ngayon. Si Maxene Magalona ang papel na malupit na kontrabida. Sa presscon pa lang tipong antipatika na ang kanyang ayos. Mukhang handang-handa na si Maxene na magsabog ng lagim sa limang paslit on the small screen.

Ang malakas na suporta sa TV translation ng Mga Basang Sisiw, sina Rep. Lani Mercado, Ray­­mond Bagatsing, Gardo Versoza, Caridad Sanchez, at Maricris Garcia with Mike Tan, ay ga­ga­wing higit na langit o impyerno ang mga basang sisiw.

Sa ganitong uri ng palabas, expert na ang afternoon prime head na si Roy Iglesias. Sa June 3 (Lunes) na ang premiere telecast nang maghahatid ng baha sa pagluha, after Eat Bulaga, Lunes hanggang Biyernes.

TV personality mine-major overhaul sa beauty clinic

Isang kilalang TV personality ang kasalukuyang nagpaparetoke sa sikat na cosmetic surgeon. Ang sabi ng mga staff sa beauty clinic, maaaring tumagal ng isa hanggang dalawang linggo ang treatment.

Major overhaul ang kanilang gagawin at lahat sila nagdarasal na maging success ang operation.

Sana walang kumontra sa kanilang panalangin at tanggapin ng pasyente ang lahat ng gamot at foreign bodies na isisiksik sa kanyang fez.

PMPC mahihirapang pumili sa mga OPM album

Nagsimula na ang Philippine Movie Press Club (PMPC) sa pag-review ng mga album/CD na pagpipilian ng mga nominee para sa 2013 Star Awards for Music last Thursday.

Sa maghapong pakikinig sa mga CD na inilabas noong April 2012 hanggang April 30, 2013, maraming magagandang produkto na puwedeng maging finalists. Ang mga artist na nag-perform sa mga narinig naming albums, majority mga world class talaga. Mukhang mahihirapan ang PMPC members sa pagpili ng nominees this year.

Ang tentative date ng Star Awards for Music ay sa August na.

Pagpatay kay JFK ginawang telemovie

Nasa high school pa ako noong ma-assassinate ni Lee Harvey Oswald si President John F. Kennedy on Nov. 22, 1963. Ang nasabing krimen ay malapit nang matapos na TV factual drama with Robe Lowe as JFK.

Ang telemovie ay based sa libro ni Bill O’Reilly at ipapalabas later this year sa National Geographic channel.

Kasama ni JFK ang kanyang misis na si Jackie Kennedy sa isang Texas motorcade nang mapatay.

Obra ni Eddie Romero ginawang digital 

Sinimulan na ang digital restoration ng dakilang obra ng yumaong National Artist for Film Eddie Romero, ang Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon.

Baka sumakabilang buhay ang great filmmaker na maligaya siya nang malaman ang tungkol sa restoration ng kanyang pelikula ng ABS-CBN archive at Central Digital Lab.

Mayor Herbert nag-induct ng mga officer ng Daily Express Alumni

Naalala namin ang entertainment editor at former FAMAS president na si Atty. Romeo Arceo nang mabalitaan ang induction of officers ng Daily Express Alumni with Quezon City Mayor Herbert Bautista as inducting officer.

Kabilang sa mga sikat na peryodistang galing sa dating Daily Express ay sina Ricky Lo, Recah Trinidad, Millet Mananquil, Evelyn Carandang Diao, Jess Antiporda, Alice Reyes, Diego Cagahastian at iba pa.

Nakapagsulat din kami sa Express at sa magazine na Expressweek that time na ang yumaong si Atty. Arceo ang editor.

 

Show comments