Gretchen lumabas ang pagka-manghuhula kay Julia

Sabay sa paghirang na bagong prinsesa ng ABS-CBN na si Julia Barretto, pinahayag na siya ang gaganap sa remake ng teledramang Cofradia. Ang ori­ginal na gumanap sa papel ng ulikbang nagiging mestisa ay ang movie queen na si Ms. Gloria Romero, sa isang hit movie ng Sampaguita Pictures.

Noong isalin naman ito sa teledrama, si Gina Alajar ang naging Cofradia. Familiar na tayo sa kuwentong unang lumabas sa komiks at kahit paulit-ulit pa itong gawin sa TV ay susubaybayan pa rin natin.

Siyempre tuwang-tuwa ang kanyang mayamang Tita Gretchen, na ang sabi ay, “Julia will be greater than me. She will be greater than anybody.”

Mukhang malakas ang sixth sense ni La Greta. Sana magkatotoo.

Alex walang mapaglagyan sa Kapamilya

Ang dating unang prinsesa ng TV5 na si Alex Gonzaga, nagawa na ang lahat ng uri ng trabaho sa kanyang dating network. Naging bahagi rin siya ng paglibak at pamimintas sa mga kapwa artista sa isang dead na talk show.

Ngayon tiyak na siya naman ang pinagtatawanan ng mga dati niyang kinukutya, na kasama niya sa Lopez studio ngayon. Lahat sila hindi maisip kung anong trabaho ang ibibigay kay Alex.

Aba, puwede naman siyang maging sportscaster, na magko-cover ng boxing, basketball, o football, kapag nag-maternity leave si Dyan Castillejos! Kung mahusay mag-English ang mas batang Gonzaga, maaari namang siya ang pumalit kay Tina Monson-Palma kapag nag-retire na!

Dalawang tagahanga ni Nora umaasa na sa tagumpay sa Luna at Urian

Isang mahabang text message ang ipinadala nina Rene Lu at Pit Maliksi, ang mga umaasang mananalo ng Luna (Film Acade­my of the Philippines o FAP) at Urian best actress awards si Nora Aunor for Thy Womb.

Ang say nila, nominated si Ate Guy sa lahat ng award-giving bodies, except sa FAMAS, na Hall of Famer na ang aktres. Magkasunod sa June 1 at June 18 ang Luna at Urian Awards.

Alam ninyo Rene at Pit, malakas ang politics sa Luna Awards. Kailangang suportado ka ng malalaking grupo ng iba’t ibang guilds under the FAP umbrella para magwagi. Higit na mahalaga ang suportang ito sa husay umarte ng finalist.

Daig pa ang eleksiyon, dapat kumampanya para ibotong winner.

Lahat ng mga grupo may iba’t iba o kanya-kanyang criteria sa pagbibigay ng awards, tulad ng Luna at Urian. Wala kayong magagawa kung gusto nilang ipatupad ang mga sarili nilang pamantayan. Kahit si Pokwang ang magwagi ay karapatan nila dahil sila ang nagbibigay ng award.

Bohol dinadayo nG mga direktor na gumagawa ng pelikula pero walang nabago sa 20 years

Noong nag-shooting kami ng Puri, na bida ang yumaong si Stella Strada directed Elwood Perez sa Bohol, sinasabi nang magiging top tou­rist destination ang probinsiya. Marami ka­sing attractions doon — tulad ng mga magagandang lumang simbahan with all the antique images at ang isang kuwebang nauna pang sumikat sa underground caves ng Puerto Princesa, Palawan.

Katatapos pa lang gawin ni Direktor Mary J. Delos Reyes ang The Bamboo Flower na bida si Max Collins. Ngayon ang tawag sa Bohol ay booming tourist destination pa rin.

Ano kaya ang nangyari sa mahigit 20 taon? Ang bagal naman ng pag-develop sa probinsiya upang maging isa sa mga pangunahing tourist attractions sa bansa! Ilang Department of Tourism secretary na ang nagdaan? Siguro wala pang taga-Bohol.

Jennylyn talbog kay Angelika sa triathlon

Nanalo ng third place si Angelika dela Cruz sa nakaraang SUBIT Asian Triathlon Championship na ginawa sa Subic Free Port. Maraming mga mahuhusay na triathlete ang sumali kaya masasabing world-class na ang aktres sa kanyang panalo.

Saan naman kayang international triathlon sasali si Jennylyn Mercado upang patunayan ang kanyang husay sa nasabing mahirap na tri-sport?

Mutya ng Pilipinas malapit nang mag-golden anniversary

Sa rami ng sumusulpot na beauty pageants, bahagya na nating nasusubaybayan ang iba. Tulad ng Mutya ng Pilipinas contest na nasa ika-45th year na pala. Dalawang titulo ang kanilang ipinamimi­gay every year: Mutya ng Pilipinas-Asia Pacific at Mutya ng Pilipi­nas-Tourism.

Noong isang taon, isa sa kanilang title holder ang Mutya ng Pilipinas-Tourism na si Rizzini Alexis Gomez. Nanalo ito ng Miss International Tourism 2013 title sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Naging outstanding siya sa 55 contestants from all over the world, kaya siya ang nagwagi ng korona.

Show comments