The Healing nina Vilma at Kim mapapanood na sa Cinema One

MANILA, Philippines - Ipapalabas sa darating na Linggo sa Blockbuster Sundays ng Cinema One ang The Healing, isa sa top-grossing films ng 2012 at comeback horror film ng Star for All Seasons Vilma Santos.
Kabilang sa star-studded cast sina Kim Chiu, Janice de Belen, Pokwang, Jhong Hilario, Robert Arevalo, Carmi Martin, Mark Gil, Daria Ramirez, Martin del Rosario, at marami pang ibang artista.
Ang kuwento ay tungkol kay Seth (Vilma) na nagdala sa kanyang maysakit na tatay na si Odong (Robert) sa faith healer na si Manang Elsa (Daria). Gumaling si Odong at ito ang naging hudyat para lapitan si Seth ng halos lahat ng kanyang kapitbahay na may karamdaman. Bawat isa ay nagpupumilit na dalhin sila kay Manang Elsa. Pati ang anak ni Seth na si Jed (Martin) ay humiling na ipagamot kay Manang Elsa ang kanyang kapatid sa ama na si Cookie (Kim) na may karamdaman sa bato.
Isa-isang mamalasin nang matindi ang mga kapitbahay na nagpagamot kay Manang Elsa na parang ang pagdala ni Seth sa kanila sa faith healer ay naghudyat ng malakas na sumpa. 

Ang The Healing ay gawa ng tanyag na direktor na si Chito S. Roño. Kilala bilang isang maestro ng horror, ang mga nilikha niyang pelikula ay kadalasang mayroong nakakagulat na special effects, tulad ng Feng Shui at ng award-winning Yamashita: The Tiger’s Treasure na nanalo ng best picture sa Metro Manila Film Festival.

Kumita ng higit sa P100 million ang The Healing sa takilya noong ipinalabas ito sa mga sinehan noong 2012. Pinuri ang pelikula dahil sa galing ng cast, shocking na twists, at makapigil-hiningang horror. 
Huwag palampasin ang The Healing ngayong Linggo, ika-26 ng Mayo, alas-otso ng gabi sa numero unong cable channel sa Pilipinas, ang Cinema One (SkyCable Channel 56).

 

Show comments