Humarap noong Sabado ng gabi sa entertainment press ang aming paboritong si Grace Poe-Llmanzares na kumakandidatong senador kasama ang kanyang inang si Susan Roces.
Ipagpapatuloy ni Grace ang naumpisahang layunin ng amang si Fernando Poe, Jr. para tumulong sa mga mahihirap. Touched nga ito kapag nagtutungo sa ibang probinsiya lalo na sa Mindanao na mahal ng mga tao ang kanyang yumaong ama. Katunayan, marami silang kuwento tungkol kay FPJ na ikinatataba ng kanyang puso.
Bukod sa platapormang poverty alleviation at edukasyon, sinabi rin ng senatorial candidate na sakaling maupo sa Senado ay isa sa kanyang isusulong na batas ay madagdagan ang budget sa ibang ahensya ng gobyerno na may kinalaman sa kultura para matulungan ang TV and film industry.
Sumasama sa kanyang kampanya sa ilang lugar ang kanyang inang si Susan.
‘‘Huwag mo akong ipahihiya at maging tapat kang public servant,’’ mahigpit na bilin ng ina kay Grace.
Sa kabilang banda, hindi na nito isinama si Lovi Poe sa kanyang kampanya dahil alam niyang busy ito sa kanyang mga commitment although natutuwa siya nang magpaabot ang young actress na tutulong sa kanyang kampanya. One time nga ay nakita ni Lovi sa Rockwell, Makati City ang isang volunteer ni Grace at humingi siya ng ilang campaign materials na dala nito at isinuot pa niya ang iba.
Johnny Revilla pinahahalagahan ang OFW
Matutuwa ang fans ni Johnny Revilla dahil pumasok na ito bilang No. 2 nominee sa OFW Family Party List. Si Johnny ay kapatid nina Tina Revilla at Maritess, anak ng dating matinee idol na si Armando Goyena. Hanggang ngayon ay aktibo pa rin ito sa pelikula at telebisyon.
Ang nangungunang kakampi ni Revilla sa OFW Party List ay si dating Ambassador Roy Seneres. Sa kasaysayan ng foreign service tanging si Amb. Roy ang nakapagligtas sa kamatayan ng tatlong OFWs na kinabibilangan nina Sarah Balabagan ng Maguindanao, John Aquino ng Pangasinan at Wahida Malaydin ng Cotabato na pawang pugot-ulo ang parusa sa kanila sa UAE.
Tanging ang OFW Family Party List at Magdalo ang wala pang incumbent na congressman sa Lower House.