Sen. Chiz nakapag-iwan ng magandang disiplina kay Grace

MANILA, Philippines - Dama at bakas na sa mga ngiti ni Grace Poe-Llamanzares ang self-confidence nang humarap siya sa media sa ipinatawag na presscon ni Mother Lily Monteverde nung Sabado ng gabi sa Imperial Hotel sa Quezon City. Nagagawa na niyang biruin at bistuhin ang inang si Susan Roces sa tuwing makakasama niya sa out-of-town campaigns niya.

“Ito ang mga kondisyon ng nanay ko sa pag-iikot. Number one, mag-o-overnight ako sa lugar para hindi ako nagmamadali. Number two, hindi ito puwedeng ilabas dahil parang commercial ito! Hahaha!

“Ayoko ng private plane. PAL lang. ’Yung malaki. Hindi ako magtsa-chopper at kung puwede ‘yung land trip maiksi lang. ’Tapos heto naman. Siguro mga isang sortie a week. Ilan na lang linggo ang natitira ngayon?

“Sabi ko, ‘Mom, you just visit several radio stations then probably a local cable network. ‘Ay, no palengke tour?’ So, si Mama laging kasama ang palengke tour.

“‘Yung mga close aide ko na parang volunteers din meron ding volunteer na sumasama sa mama ko. Eh may isang staff na kinumusta ko ang lakad nila ni mama. Sasabihin niya, ‘Ma’am, ’pag si Ma’am Susan ang kasama namin sampung balikbayan box ang tsini-check in ko.’ Hahaha! Kasi pupunta sa isang lugar, bibili ng danggit o bibili ng ganito, ganyan, kasi nga palengke tour.

“Eto na. Ang susunod na sortie, GenSan (General Santos City). So, medyo kabado na ako. GenSan? Ang lalaki ng tuna roon! Paano…?

“Pero nag-restrain siya. Self-control. So, nang tanungin ko trip niya sa GenSan, ‘Ay, hindi na ako nagdala kasi puro hilaw!’ Sa loob-loob ko, salamat naman. ’Yan ang mom ko!

“Ang tagal naming nag-usap. Nung 2007 nag-isip na akong tatakbo. Pero sabi ng mom ko, ‘You will not run unless you have a public service experience.’

“When finally I got the chance sa public service sa MTRCB, ang mom ko ang pinakamahirap na critic. She’s your worst critic but she will be your strongest ally. So, thank you, mom, for believing in me.

“Simple lang naman ang payo ng nanay ko sa akin. Pulitika lang ‘yan. Ang importante huwag mong walain ang sarili. Siyempre nandiyan na rin ang payo na huwag mo akong papahiyain at pagbutihan mo,” pahayag ni Grace.

Pinasalamatan din ni Grace ang lahat ng taong tumutulong sa kampanya niya lalo na’t nasa Top 5 na siya sa mga senatoriable na gustong iboto ng tao, ayon sa latest survey.

Isa rin sa pinasalamatan niya ay si Sen. Chiz Escudero na nakakasama rin niya sa pag-iikot kasi nga ’pag napupunta sila sa probinsiya at nakakakita siya ng souvenir ay tumitigil siya at gustong mamili.

“Sabi ni Senator Chiz, ‘Teka, bumalik ka na lang dito pagkatapos ng kampanya. Dahil hindi ka turista, kandidato ka.’ ‘Yun ang palaging advice sa akin kaya naiisip ko, ‘Parang mas masaya sumama kay mama!’,” biro ni Grace sa kapartido.

“’Yung disiplina na ’yon pinapasalamatan ko kay Sen. Chiz.”                                                        

 

Show comments