MANILA, Philippines - Isang matinding pagtatapos ang matutunghayan ngayong Linggo sa 1st original series ng GMA News TV na Bayan Ko.
Isang dekada ng walang habas na pagpuputol ng puno ang naganap sa kabundukan ng Sibilan. Kaya nang tamaan ng malakas na bagyo ang nasabing probinsiya – nagkaroon ng malaking flash flood kung saan daan-daang sibilyan ang mga namatay!
Kung paanong haharapin ni Mayor Joseph Santiago at ng kanyang staff ang nasabing delubyo, kahit pa nasa paÂnganib ang kani-kanilang mga pamilya, ang siguradong kukurot sa puso ng mga manonood. Ang mga tulad nila ang halimbawa ng mga taong dapat nanunungkulan ngayon sa ating gobyerno.
Ilan lamang ang bureaucracy, korapsyon, edukasyon, at maging ang bidding para sa government projects sa mga isyung tinatalakay sa Bayan Ko na hindi napapanood sa mainstream drama.
Tampok si Rocco Nacino bilang si Mayor Joseph kasama ang mag-amang sina Pen at Ping Medina, LJ Reyes, Maria Isabel Lopez, Betong Sumaya, Love Añover, Mercedes Cabral, at Angeli Bayani, huwag palalampasin ang pagtatapos ng groundbreaking series na Bayan Ko ngayong Linggo, April 21, 7:15 p.m. sa GMA News TV (Channel 11).