From our classic blind item files: Mula sa proÂbinsiya, iniluwas ng director ang na-discover doon na pretty and sexy starlet. Iniupa niya ng isang apartment sa Maynila at pinuno ito ng lahat ng appliances for his new star.
Natunton naman ng lady producer (na live-in partner ni Direk) kaya sugod ito sa pugad ng lovers. Nagkataon na nasa shooting ang artista kaya madali niyang nahakot ang mga kasangkapan sa bahay. Pati sala set tinangay kaya’t pagdating ng starlet sa bahay ay walang mahigaan o maupuan.
Katuwiran ng produ, pera niyang lahat ang pinambili ng lahat ng gamit doon. Crayola na lang ang artista at nag-check-in sa isang hotel. The next day, lumipat siya sa ibang bahay at pinamili ulit ng mga gamit!
Habang tumatagal sa eksena ang artista, naging favorite topic siya sa countless blind items. Kung tutuusin, siya talaga ang blind item queen. But hers is one of the most colorful success stories in showbiz. Yumaman siya at tinanghal na tunay na reyna at donya!
Wendell tumakbong hubad
Noong press preview ng Bayang Magiliw ni Direk Gil Pontes, enjoy lahat sa panonood pero talagang hinintay ang eksenang pagtakbo ng hubad ni Wendell Ramos, na gumanap ng pabling na mayor.
May kahabaan din ang tagpong ’yon, kahit sabihin pang nakiusap ang aktor na putulan ang nasabing exposure. In fairness sa kanya, mahusay na nagampanan ni Wendell ang role. Say nga ni Manay Ethel Ramos sa aktor, kung buhay ang kanyang manager na si Douglas Quijano he would be very proud of his talent.
Ang dasal pa ni Manay Ethel, sana magkasunud-sunod ang assignment ni Wendell na siya ang bida at magdadala ng pelikula tulad ng Bayang Magiliw.
Si Direk Gil naman, nasiyahan sa mga pagbati ng movie press at ngayon pa lang ay inaabangan na ang susunod niyang pelikula na Liars, also scripted by Eric Ramos, na kasali sa Cinemalaya filmfest this July.
Lahat ng mga artistang gumanap sa Bayang Magiliw ay magagaling umarte tulad ng actor/director/professor na si Tony Mabesa. Siya ang parish priest sa bayan ng Magiliw, na inatake sa puso nang makitang hubo’t hubad na tumatakbo sa daan ang kanilang mayor.
Sa shooting, parating may dalang sariling costume na abito ng pari si Tony. Madalas kasi siyang magpapel na monsignor kaya’t nagpagawa na siya ng sariling mga abito.
‘‘Marami nang kinita ang dalawang costume ko, white and black, sa maraming pelikula at teleserye kaya’t bawing-bawi na ang ginasta ko,’’ bida sa amin ng professor.
Album ni Daniel matagal nang naging no. 1
Aminado naman si Daniel Padilla na hindi siya singer kahit na magkakaroon siya ng birthday concert sa Smart Araneta Coliseum on April 30.
Kahit ano pa ang sabihin niya at kahit ano pa ang ipintas ng iba, maraming may gusto sa singing voice ng teen idol. Isang katibayan ang kanyang album, na matagal na naging No. 1 sa charts at certified platinum na.
Pinaghandaan ni Daniel ang kanyang birthday show at tiniyak niyang maraming sorpresa sa concert tulad ng mga production number nila ng favorite leading lady niya na si Kathryn Bernardo.
Sana mailabas din sa isang album ang kanyang live concert kahit marami at mahirap ang mga paghahanda upang magawa ito. Very demanding kasi ang gumawa ng live recording pero sigurado namang isang hit CD muli ito from Daniel.
Summer Solstice concert nag-buy one, take one sa tiket
Gusto ng Close Up na higit na maraming manood ng Summer Solstice 2013 concert nila sa Mall of Asia on April 27 kaya’t ang offer nila sa gold tickets worth P2,000 ay buy one, take one.
Tatagal ang show ng 12 hours at tampok ang leading bands na Spongecola, Sandwich, at Urban Dub, with foreign groups, kaya’t sulit na sulit ang ibabayad ninyo.
Malaking pasabog ng TV5 ilalabas bago matapos ang summer
Bulong sa amin ng isang insider sa Kapatid Network, meron pa silang isang big surprise bago matapos ang summer. Talagang tinotodo na ng husto ng TV5 ang kanilang magagawa upang magnakaw ng eksena.
Bago matapos ang 2013 deserved na nilang tawaging major network.