Nakakuwentuhan namin si Angel Locsin last week at nasabi nito na gandang-ganda siya sa ibang bansa kapag autumn na at gustong maranasan na mahawakan ang falling leaves.
Niyaya siya ni Phil Younghusband na pumunta ng South Korea para makapag-bonding naman sila kahit sa isang maikling bakasyon lang. Hindi kasi sila nagkasama noong Holy Week kaya excited na ang aktres sakaling matuloy ito. Kaso problema ni Angel ay may kaguluhan ngayon sa Korea, ’di ba?
Sa kabilang banda, malapit nang simulan ang pelikula nila nina Toni Gonzaga, Bea Alonzo, at Shaina Magdayao.
Kaarawan ng magandang aktres sa April 23 kaya lang hindi siya mahilig sa bonggang selebrasyon.
‘‘Simple lang kung i-celebrate ko ang aking kaarawan sa piling ng mga mahal ko sa buhay,’’ sabi ni Angel.
Ang mahalaga, maganda ang kanyang kalusugan at wish na maging matatag pa rin ang kanyang career.
Daughter ni Sen. Bong nanghihingi na ng sariling kotse
Nagtapos na ng high school si Gianna Revilla na kasama sa Teen Gen kung saan ginagampanan nito ang papel ni Madison. Balak niyang kumuha ng accounting, hotel, and restaurant management o kaya ay culinary arts sa college. Ilalambing nito sa kanyang daddy na si Sen. Bong Revilla, Jr. na ang iregalo sa kanya ay car dahil malapit na rin ang kanyang debut sa Agosto 15.
Hindi rin mahilig si Gianna sa bonggang selebrasyon at gustong magpakain na lang at magpasaya ng mga streetchildren.
Nag-e-enjoy ito sa showbiz at marami nang hukbo ng tagahanga.
Amy hindi kakayanin kung may maanakang iba ang kinakasama
May bagong timeslot ang paborito ng bayan na Face to Face na simula ngayon ay magiging 4:30 p.m. na. Balik-programa si Amy Perez kung saan sinabing na-miss din niya ang programa matapos mag-leave nang manganak.
Naitanong sa presscon nito kung totoo ba ang suguran doon ng magkakalabang guests? Ayon sa host, hindi scripted ang awayan ng magkabilang panig kaya nga mayroon silang taga-awat din.
Sa pagpasok ng ika-apat na taon ay lalo pang pagagandahin ang programa kung saan may follow up sa guests ng binigyang payo sa pakikipagtulungan sa TESDA at iba pang sangay ng ahensiya ng gobyerno.
Tinanong nga si Amy kung anong problema ang hindi nito makakayanan lalo na sa kanyang buhay pag-ibig.
“’Yung makipagrelasyon sa iba ang aking asawa at may maanakan pang babae,’’ aniya.