Carmina nakaka-miss sa pagko-comedy

Iilan pa lang ang napapanood kong episode ng gabi-gabing Banana Nite at laging natataon na sa portion lang ni Jayson “Kuya Boy” Gainza ang nata­tapos ko. At sa tuwina ay walang palya ang kata­ta­wanan sa natural na panggagaya ni Jayson sa King of Talk.

Pero, so far, ang pinakamalakas at pinakamarami ko yatang tawa ay ‘yung naging bisita si Carmina Villarroel nitong linggo lang. Wala na sa script ang iba nilang sinasabi kaya lumabas na inosente at totoo na na-good time ang aktres na kilalang kengkoy at bungisngis din.

Nakaka-miss tuloy bigla ang gag show na Tropang Trumpo na matagal ding pinagkulitan ni Carmina. Kung gagawan siya ng ganung show sa Kapamilya Network ay papasa pa rin pala siyang komedyante na hindi baduy.

Hindi kasi nailabas ng aktres ang comic side sa Pepito Manaloto (Book 1) nung Kapuso pa siya. Alam naman nating na kay Michael V. ang baraha kasi siya lang ang higanteng komedyante talaga na nagdadala ng show doon.

Kung totoong bubuhayin namang muli ang Palibhasa Lalake ay parang ‘di masyadong makakapagpatawa si Carmina dahil naka-angkla rin sa script ‘yun tulad ng Pepito Manaloto at ang mga lalaki naman doon ang sentro ng kalokohan. Kung natatandaan pa n’yo ay si Cynthia Patag ang nagdala ng katatawanan sa mga babae at hindi si Carmina.

Kaya ‘yung gag show ang talagang babagayan niya kung sakali. Pero mukhang mahirap nang magkaroon ng ala-Tropang Trumpo, Banana Nite, o Bubble Gang na medyo katulad na ng estado ni Carmina ang kukuning comedienne.

Richard at Paolo handang sumabak sa giyera?

Kamakailan ay nabalitang nagpalista sina Richard Gutierrez at Paolo Contis bilang reserve officer ng Philippine Navy. Eksakto pala ito o nai-timing talaga dahil ginagawa na ni Chard ang TV suspense drama sa GMA 7 na Love and Lies habang si Paolo ay kabilang din sa cast.

Pero hindi sana dahil lang sa serye kaya nangyari iyon o hanggang sa pagtatapos lang ng palabas ang kanilang obligasyon bilang miyembro ng navy. Hindi naman biro ang ginawa nila dahil mataas na ahensiya ng depensa ng bansa ang kanilang pinasok.

Paano na lang kung nasa Korea sila? Lahat ng hukbong sandatahan sa magkalabang South at North ay naka-alerto na. Siyempre hindi puwedeng gawing exempted ang mga reserve officer kung sumiklab na ang kinatatakutang giyera, artista ka man o anak ng pulitiko o ng bilyonaryo.

Dito kasi sa atin ay wala namang nakaambang tensiyon kaya magiging kampante pa ang lahat ng reservists.

Meron kayang pinagdaanang training sina Richard at Paolo? Mahirap kung wala at lalo na kung pati ang basic military training sa high school at college ay hindi nila nasubukan. Hindi ‘yun mapapag-aralan sa pagbabasa lang ng manual o pagkuha ng crash course.

Ethel Booba sinalo ng TV5

Sa teaser ng Boracay Bodies ng TV5 ay pala­ging si Ethel Booba ang bumabalandra sa camera. Mapapagkamalan tuloy na siya ang solong bida sa bagong show. ‘Yun pala ay marami sila at nalaman lang kung sinu-sino pa ang mga kasama niya nung nag-launching na talaga ang show nila.

Ibig sabihin ay nabigyan din pala si Ethel ng importansiya ng Kapatid Network dahil pagkatapos matsugi ng Wowowillie ay bumuluga na agad siya pagkatapos ng humigit kumulang lang sa isang buwan. Sinalo pa siya ng TV5. Sweet revenge?

Eh kung mapapangatawan na ni Ethel Booba ang deadly na kombinasyon ng talento, propesyonalismo, at magandang asal ay baka “mabuhay” na siya ng network mismo na kumakalinga sa dati niyang “boss”.

May ipare-rebyu? E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com

Show comments