Love story ng running coach, wagas

MANILA, Philippines - Ngayong Sabado ng gabi, ang kuwento ng pag-ibig ni celebrity running coach Rio dela Cruz ang tampok sa Wagas mga Kuwento ng Pag-ibig.

Kung gaano siya naghirap at nagtiyaga para maging champion at expert sa pagtakbo, ganun din pala siya nagtiis para sa pag-ibig ng trekker na si Nicole Wutrich. 

Unang nagkatagpo ang dalawa sa isang masukal na lugar. Tuluyan na sanang maliligaw ang trail runner na si Rio kung hindi niya nakita ang trekker na si Nicole na siyang nagturo sa kanya ng tamang direksiyon patungong finish line. Kung tutuusin, si Nicole ang dahilan kung bakit nanalo si Rio sa trail run na ’yun.

Mukhang itinadhana ang dalawa nang muling nagkita sa UP Diliman ang dalawa kung saan magkaklase pala sila! Hindi nagtagal ay naging magkaibigan ang parehong sporty na sina Rio at Nicole. Dahil na-in love kay Nicole, paulit-ulit na nanligaw at na-basted si Coach Rio. Pero mukhang akma sa love story ni Rio ang kasabihang sa hinaba-haba man ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy dahil matapos ang halos pitong taon, naabot din ng runner ang pinakaa-asam niyang finish line kasama si Nicole!   

Tampok sina Boy2 Quizon bilang si Rio at LJ Reyes bilang si Nicole, abangan ang nakakakilig na kuwento ng pagmamahalan ngayong Sabado sa Wagas: Mga Totoong Kuwento ng Pag-ibig, 7:00 p.m., sa GMA News TV.

Show comments