Jason matutulad lang kay Baron kung hindi mabibigyan ng leksiyon ni John

Mukhang talagang desidido si John Prats na ituloy ang pagsampa ng demanda laban kay Jason Francisco pero hindi pa siya kumikilos ng todo. Maliban sa imbestigasyon sa istasyon ng pulisya ng San Juan, wala pa yatang sinasabing may abogado na siyang maghahain ng demanda. Kung pababayaan lang ’yan sa karaniwang takbo, matatagalan ’yan. Dapat ay nagpagawa na siya ng medical certificate na magpapatunay na sinapak nga siya, ’tapos may abogado na siya agad na nag-follow up sa piskalya. Kung hihintayin ang kilos ng mga pulis, naku, matagal iyan.

Sa kabilang banda, maganda naman iyon para kay Jason dahil nagkakaroon siya ng pagkakataon na mapaghandaan ang kaso. Nagkakaroon din siya ng sapat na panahon para makahanap ng isang padrino para hindi na matuloy ang demanda laban sa kanya. Baka hinihintay din niyang makialam ang ABS-CBN at pagkasunduin na lang silang dalawa. Pero makumbinsi kaya si John na naniniwalang wala naman siyang kasalanan, basta bigla na lang siyang sinapak?

Kung tutuusin, may katuwiran naman si John. Kasi kung pababayaan mo na nga lang na makalusot sa kanyang ginawa si Jason, aba, baka sa susunod kung ano na ang gawin ng komedyante at aasang maaareglo pa rin ang lahat.

Tingnan ninyo ang mga kaso ni Baron Geisler. Kung anu-ano na ang ginawa ng aktor ay pinalulusot pa rin nila kasi nakakaawa raw. Kailangan daw unawain at kung anu-ano pa. Eh ngayon tuwing malalasing ay gumagawa pa rin ng gulo, ano ang masasabi nila?

Kung noong una pa lang gumawa ng gano’n si Baron ay nabigyan ng isang matinding leksiyon, hindi na uulit ’yun. Kaso may nagagamit na impluwensiya eh. Tingnan na lang ninyo ang kaso nila ni Yasmien Kurdi, hanggang sa ang babae na ang nawalan ng gana sa kanyang career, at wala ring nangyari sa kanilang kaso. Natapos iyon sa isang simpleng “sorry”.

Sa ganyan lang din ba matatapos ang ginawa ni Jason?

Coco matatahimik na sa pangungulit, Katherine may bagong BF na Fil-Italian

Ngayon, inilalabas na ni Katherine Luna ang kanyang Fil-Italian boyfriend na nakilala raw niya sa isang restaurant sa Zamboanga. Sa kuwento nga niya, mukhang in love naman sa kanya ang lalaki, at ang advantage niya, binata iyon at tanggap ang katotohanan na mayroon na siyang ibang mga anak.

Kung sabagay, siguro naman tama lang iyon para may makatuwang naman siya sa pagpapalaki ng kanyang mga anak. Una siyang naanakan ni Coco Martin pero wala ring nangyari sa kanilang relasyon. Hindi naman siya pinakisamahan ng aktor. Kaya nga sa tuwing may problema siya, lumalabas ang issue sa kanila ni Coco na hindi man lang sinusustentuhan ang anak sa kanya.

Pagkatapos ay pinalayas naman siya sa condo ng isang Fil-Am na naging boyfriend din niya. Kaya nga mabuti na rin ang may nakita siyang iba na mukhang magmamahal sa kanya. Ibig sabihin, matatahimik na rin si Coco sa mga issue na ibinabato niya.

Aktor umaasa pa sa ex-GF na aktres kahit hindi naman babalikan

Umaasa pa pala ang isang aktor na magkakabalikan pa sila ng aktres na ex-girlfriend niya, kahit na sinasabi na ng babae na may iba na siyang gusto at kung may babalikan man siyang relasyon ay hindi ang umaasang aktor.

Eh iyan naman kasing aktor na ’yan eh hindi na sumikat. May mukha nga kaso wala namang talent.

Show comments