Zendee biglang lumamig ang career pero front act ni Jason Mraz!

Kamakailan ay naisulat na rito ang ilang foreign bands na magsisipag-concert sa Pilipinas at ang mga presyo ng kani-kanilang tiket.
 

Nung Biyernes lang ay ang Bloc Party naman ang nakatugtog sa World Trade Center sa Pasay City. At nakakasorpresa na kahit may kamahalan din ang presyo dahil hinati lang sa dalawang parte (VIP na P3,800 at Gold P2,800) ang mga nanood sa may kaliitan na venue ay napuno ito at lumabas na satisfied ang mga nagsipunta.

Magaganda ang mga kumalat na review pagkatapos ng Manila concert ng Bloc Party. Hindi yata ininda ang abnormal na panahon -- pabigla-biglang ulan kahit tag-araw. 

Nasiyahan ang mga nakapanood sa performance ng UK band at medyo ang mga dayo pa ang nakulangan sa ibinigay ng Pinoy audience dahil ang tsika ay pinipilit pa nilang magsisayaw at mas maging energetic ang crowd.

Bukod sa Bloc Party, inaabangan na rin ng ilang loyal sa Guns ‘N Roses ang pagdating ni Slash, ang misteryosong gitarista ng banda. Katulad ng Aerosmith, Pulp Live World din ang magdadala kay Slash at sa mga kasama niyang Myles Kennedy and the Conspirators sa Pilipinas sa May 4. Sa Smart-Araneta Coliseum ang kanilang venue at medyo mahal din ang ticket prices. Pero siyempre kung diehard fan naman ni Slash o ng musika ni Myles na post-grunge at heavy metal ay masusulitan na rin sa ibabayad.

Si Jason Mraz naman na taong 2011 nang nag-concert dito ay muling babalik sa May 14. Gaganapin ang kanyang concert sa Big Dome. Hindi naman nakakagulat na babalik ang American singer-songwriter. Ang may konting gulat factor ay ang malamang si Zendee Rose Tenerefe pala ang opening act niya sa concert.  Si Zendee ay pumatok sa You Tube nang makunan siyang kumakanta sa mall ng I Will Always Love You na mabilis na sumikat sa You Tube hanggang mag-guest siya sa Ellen Degeneres show.

Pagkatapos kasing maging kontrobersiyal ang Random Girl ay mabilis na nanlamig sa kanya ang mga tao. Napapanood man ang isang coffee TV commercial na kasama niya ang Parokya ni Edgar, ang kauna-unahan at big time agad na raket ng teen singer, ay para namang wala itong gaanong dating. Ang ganda pa naman ng pagkaka-highlight sa kanya sa nasabing TVC. Pero hindi nadagdagan ang TV guestings o nagkaroon ng TV show si Zendee Rose.

Kung maayos lang ang pag-aalaga sa kanyang career ay baka masundan pa ang break niya bago o pagkatapos ng concert ni Mraz. Timing na sana habang nananahimik si Charice.

Franco Reyes tuluy-tuloy na ang pagso-solo

Talaga palang pinangatawanan na ni Franco Reyes ang pagso-solo. Wala pang isang taon matapos ang pagbuwag ng bandang Franco ay heto na agad ang mainit na sarili niyang debut album.

Kasalukuyan na niyang pino-promote, sa tulong ng MCA Music at Odyssey record bar, ang Soul Adventurer album. Hindi lang iyon, may bonggang concert pa ang Cebuanong rakista sa Music Museum sa April 6 para live na maiparinig ang mga bagong materyales.

Nakita ko na binebenta rin sa online ang 17 tracks na nakapaloob sa Soul Adventurer album ni Franco. Sa website na www.mymusicstore.com.ph ay nakalagay ang presyo na P25 sa bawat kanta na gustong i-dowload. At sa www.getmusic.com.au naman ay $2.15 ang tig-isang kanta.

Sa ganung paraan nga naman ay mas lalawak ang puwedeng makabili ng album o ng tingi-tinging kanta ni Franco. May alternatibo siya kung sakaling hindi mabenta ang disc copy dito sa atin.

* * *

May ipare-rebyu? E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com

Show comments