TV personality na natitigbakan lagi ng show, malas ang tingin sa sarili!

Naiyak ang isang TV personality nang malaman niya na last taping na nila para sa show nila na kaka-reformat lamang. Apektado sila ng cost-cutting scheme na inaprubahan ng bagong CFO (o chief financial officer) ng naturang network. Dahil hindi naman sila nakakabawi sa mga ginastos sa show might as well na itigil muna at babalik na lang kapag na-recover na ang lahat.

Feeling tuloy ni TV personality na malas siya dahil lahat na lang ng shows na samahan niya ay natsutsugi kaagad.

Nakailang shows na kasi siya sa iba’t ibang network at lahat ay hindi nagtatagal. Naiinggit nga siya sa ibang kasamahan niya dahil meron silang kontrata. Never siyang nakatikim ng kontrata kaya parating floating siya.

Nag-iisip tuloy ang TV personality na pasukin na lang ang ibang career. Baka nga senyales na kailangan na niyang magpahinga sa showbiz. 

Mark tumino na, ayaw nang mawalan ng trabaho

Ayaw isipin ni Mark Herras na mai-insecure siya sa mga mas bata sa kanyang artista ngayon na bini-build up ng GMA 7. Thankful na lang siya na hanggang ngayon ay ginagawa pa rin siyang bida sa mga teleserye na ginagawa niya para sa Kapuso Network.

“Wala naman sa katawan ko ang maging insecure or mag-isip na mainggit ako sa iba. Alam ko naman na maraming plano pa ang GMA 7 sa atin at lagi naman akong pinapaalahanan na ayusin ko ang sarili ko. Nandiyan din si Nanay Lolit (Solis) para paalalahanan ako. Kung hindi raw ako magtitino, wala akong trabaho.

“Kaya I try my very best na maging professional parati. Ayokong may masabi silang hindi maganda sa akin kasi nakakahiya naman,” sabi ni Mark.

Ngayon ay leading man pa rin si Mark sa bagong afternoon prime series ng GMA 7 na Unforgettable. Malaking hamon nga sa kanya ang role bilang isang multo dahil maraming emotions ang kailangan niyang ilabas.

Takot din siya kay Direk Gina Alajar dahil alam niyang metikulosa ito pagdating sa acting.

“Ayokong mapagalitan kaya ginagalingan ko talaga. Nakatrabaho ko na si Direk Gina at alam ko ang kalibre niya bilang artista at direktor. Kaya ayokong pumalpak. Gusto kong masabihan ng ‘good take’ kesa sa ‘take two tayo,’” sabi ng actor-dancer.  

 

Show comments