Cinematheque ng FDCP naghahanap ng permanenteng kanlungan!

Pinag-uusapan na pala ng mga nasa likod ng kauna-unahang Cinematheque ng Pilipinas, sa pangangalaga ng Sineng Pambansa ng Film Development Council of the Philippines (FDCP), ang pagpepermanente ng kanilang lokasyon. Ang isa sa mga pinagpipiliang lugar ay ang Escolta, Manila.

Ang Cinematheque kasi ang tipong “naglalako” ng mga pelikula sa iba’t ibang lugar katulad nang ginawa ng Sineng Pambansa sa Davao at sa Baguio. Isa itong alternative venue para sa mga mainstream at independent film, local man o international, classic man o contemporary, na ang layunin ay “to bring Filipino films to Filipinos.” 

Pero bakit sa Escolta at hindi sa ibang lugar? Med­yo napag-iwanan na kasi ng panahon ang Escolta at kung aabutin ng gabi ang mga palabas doon kung sakali ay parang may peligro sa mga commuter. Isipin na lang din kung dadayuhin pa ng foreign guests ang pinagdadausan ng filmfest sa Cinematheque. Hindi kaya maging tambayan ng masasamang loob ang palibot ng sinehan?

Bukod kasi sa mga palabas na pelikula ay maaari ring gamitin ang venue para sa symposium, film cultural exchange program, at iba pang may kinalaman sa filmmaking.

“Nothing has been decided yet. We are still looking at different options for the City of Manila,” ang sabi sa text message ni Ted Granados, executive director ng FDCP. “We are also looking at Quezon City.”

Baklang performers jobless matapos masunog ang Manila Film Center

Nagmukhang malungkot na nakakatakot ang Manila Film Center sa loob ng Cultural Center of the Philippines Complex, Pasay City matapos itong masunog nung Martes.

Ayon sa ilang bantay sa labas nang madaanan ko nung Huwebes ng gabi, obligadong isang linggo raw na sarado ang buong building kung kaya napakadilim kahit sa may kalsada.

Nakapanghihinayang na malaman na kahit ang inuupahang lugar lang ng Amazing Philippine Theater sa second floor ang bahaging nasunog ay apektado na rin ang buong istraktura na napakaganda pa naman kung tutuusin. Halos napabayaan at nakalimutan na nga ito ng mga Pinoy at ang tanging “bumubuhay” na lang ay ang pagtatanghal halos gabi-gabi ng theatrical variety presentation na The Amazing Show.

Dahil sa malalaki at magagastos na musical/dance production dito ay dinarayo ng mga turista ang 850-seat theater ng Amazing Show na tinawag nang “biggest transvestite theater in Asia” simula noong 2007.

Karamihan kasi sa entertainers ay mga baklang performer na ala-beauty queen/model na ang mga hitsura at talented sa kantahan at sayawan.

Hindi pa natin malalaman kung pagkatapos ng isang linggo ay magsisimula na ang pagpapaayos sa nasunog na bahagi ng Manila Film Center kasi hindi pa nakatitiyak kung gagawin agad iyon ng pamunuan ng Amazing Show, kahit sa kanila pa nag-umpisa ang sunog, dahil malaking pera rin naman ang kakailanganin.

Kung hindi pa nagpapalit ng management, sa pagkakaalam ko ay mga Koreano ang nag-invest nung unang nagbukas ang Amazing Philippine Theater na kalaunan ay nagtanghal din sa Cebu at Boracay.

Mabuti na nga lang at walang nasaktan o namatay sa mga performer na nagre-rehearse nung naganap ang sunog bandang alas-siyete ng gabi na dapat ay magso-show din nung gabing ’yun. Mas lalong sakit sa ulo ng kumpanya ‘yun at baka hindi na sila makabawi pa. At baka lalong katakutan at tuluyang abandonahin ang Manila Film Center dahil nakakabit na rito ang trahedyang nangyari nung 1981 nang mamatay ang maraming manggagawa habang tinatapos ang building at may gumuhong palapag sa loob.

Ang masaklap nga lang ay magtitiis munang jobless ang higit 60 gay performers bukod pa sa mahigit benteng babaeng kaeksena rin sa Amazing Show dahil sarado pa nga ang Manila Film Center —ang nagsilbi nilang kanlungan ng ilang taon.

May ipare-rebyu?

E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com

Show comments