Gov. ER suko na sa epic film, susubok naman sa pambata!

Kung tama ang kuwento, suko na raw muna sa paggawa ng epic o historic film si Gov. ER Ejercito dahil gusto naman niyang subukan ang gumawa ng pelikulang pang bata. 

Ang sabi, plano raw nilang hiramin sina Xyriel Manabat at Zaijian Jaranilla ng ABS-CBN. Maghahanap din daw ng ibang pang bagets mula sa GMA 7 at TV5.

At kung papayag din daw si AiAi delas Alas para maging leading lady naman sa Metro Manila Film Festival sa December.

Bongga pala ang kanilang team dahil kauumpisa pa lang ng taon at Valentine week pa lang pero December filmfest na agad ang niluluto nilang projects.

Solenn hindi bilib sa marriage contract

Nagkukulay pula na ang mga mall at maraming stores dahil sa iba’t ibang gimik para sa nalalapit na Valentine’s Day. Isa si Solenn Huessaff sa kulay pula lagi ang paligid dahil masuwerteng napagsasabay ang love life at career.

Araw-araw daw siyang in love. Hindi lang sa kanyang Argentinian boyfriend kundi maging sa kanyang trabaho.

Pero malayo pa sa isip niya ang mag-asawa.

“Marriage contract is just a piece of paper. Hindi naman kailangan nun para magmahal ka ng isang tao,” katuwiran ng actress-model.

Pero kung sakali siyang yayain ng BF niyang magpakasal, hindi niya iiwan ang kanyang trabaho. Wala naman dapat i-compromise o piliin.

Rico Blanco walang awa sa contestants

Sinisigurado ni Rico Blanco na hindi pahuhuli ang mga contestant nila sa Kanta Pilipinas kung saan isa siya sa judge at mentor ng singing contest ng TV5.

Bilib na bilib daw siya sa mga contestant at sumakit ang kanyang ulo dahil talagang sinala nila ang lahat ng magagaling na singers hanggang sa natirang 24 finalists.

At itinaya niya ang kanyang pangalan sa singing contest ng Kapatid Network na kahit may bulag na kasali at iba pang contestants na meron ding iba’t ibang struggles sa buhay ay hindi niya pinairal ang emosyon o awa.

Samantala, hindi rin siya tumanggap ng acting role sa TV5 para sa delicadeza dahil meron siyang teleserye sa ABS-CBN.

 

Show comments