Hindi na kailangang magpahulaan kung ano ang common denominator ng tatlong action films na magkakasunod na inilabas nitong nakaraang linggo: Jack Reacher, The Last Stand, at Zero Dark Thirty. Iisa lang ang kapansin-pansin, ang paraan ng paggamit ng mga bida sa baril.
Medyo wrong timing lang kung tutuusin dahil may pinagdaraanan ang Amerika sa ngayon pagdating sa usaping baril. Sensitibo ang ilang estado at mainit ang mga debate tungkol sa gun control sa kanilang mamamayan. Ilan na kasing insidente ang dumaan na bigla na lang may namamaril kung saan-saan.
Pero matagal nang natapos ang mga pelikulang nabanggit.
Alam n’yo bang sa South Korea ay hindi nakasanayan na gumamit ng baril kahit sa pinaka-madugo nilang eksena? Bihirang-bihira kung gumamit man sila. Mas madalas sa kanila ang manu-manong bakbakan at ang sandata ay mga panaksak o pamukpok lang.
Naisip ko tuloy na i-research ang ilan sa mga naalala kong ginamit na armas sa tatlong American films na showing pa rin.
Sa Jack Reacher ay nagsilbing ugat at susi ng krimen ang partisipasyon ng mahabang riple na ginamit ng killer na kontrabida ni Tom Cruise.
Tinatawag na Springfield M1A, Sniper Rifle ito na may telescope kaya asintado ang mga pinuntirya kahit malayo ang distansiya. Sa bandang huli ay firearm na parang Glock 17 (kahawig ng .45) naman ang ipinang-baril ng malapitan ni Jack (Tom) sa noo ng lider ng sindikato. Sa kabuuan ng pelikula ay nakailang palit din sila ng iba’t ibang uri ng baril.
Sa The Last Stand, na idinirek pa naman ng Koreanong si Kim Jee Won, ay may sarili pang warehouse ng mga nire-repair at binubuong baril ang isa sa mga residente ni Sheriff Ray Owens (Arnold Schwarzenegger). Walang paltik na maliliit. Sagana rin sa mga balang nakatago ang kuta.
Smith & Wesson at Colt ang mga pistol ni Sheriff at nagpaputok din siya ng shotgun na Remington 870 nung eksena sa school bus. Gumamit naman ng Glock 17 ang mga pulis niyang kasama habang ang drug dealers ay mas high-tech ang gamit dahil nag-night vision goggles pa at nag-Bazooka nung nakipagsagupaan sila.
Maganda ang maaaksiyong eksena sa The Last Stand at mas nakakakaba pa siya sa Jack Reacher pero flop ang pelikula ni Arnold sa US at dito sa atin.
Ang pinaka-malupit sa mga gumamit ng weapons sa kabuuan ng pelikula ay ang Zero Dark Thirty. Siyempre sagupaan ito ng militar at ng teroristang Al-Qaeda kaya todo sa mga sandata.
Kontrobersiyal din ito dahil sa mga ipinakitang torture scene at pamamaril, babaeng CIA agent ang bidang si Maya (Jessica Chastain), at inisnab sa Oscars ang director-producer na si Kathryn Bigelow.
Ala-documentary film ang istilo ng direktora sa totoong kuwento ng paglusob at pagpatay kay Osama Bin Laden pero nagawa pa ring makapigil-hininga ang mga eksena.
Mahirap manood ng mga bayolenteng action film kapag hindi sapat ang pang-unawa at kaalaman. Kaya paalala lang, lawakan ang pag-iisip at hindi na dapat lumabas pa sa sinehan ang karahasan.
* * *
May ipare-rebyu? E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com