Nalulungkot nga ang actor-director na si Ricky Davao sa sinapit ng career ni Sarah Lahbati. Malaki pa naman ang paniniwala niya na magiging big star ang young actress basta sunud-sunod lang ang mga magagandang projects na gawin nito.
Si Direk Ricky ang humawak kay Sarah sa unang pagbida nito sa series na Kokak. Dinirek niya ulit ito sa Makapiling Kang Muli. Kaya nasubaybayan niya ang growth ng dalaga bilang aktres.
“Nasabi ko nga noon na she could be the next MaÂrian Rivera kasi bukod sa maganda siya, click siya sa masa at mahahasa mo pa ang acting niya. Okay na siya eh. Bigyan mo lang ng isa pang malaking project na siya ang bida, she is on her way to becoming a big star.
“‘Yun nga lang nakakapanghinayang itong nangyari sa kanya. Sana dinaan na lang sa maayos na pag-uusap at hindi dinaan sa social media tulad ng Twitter. Maraming buhay ang nagugulo dahil sa Twitter na ‘yan.
“Masyadong naging impulsive lang ang bata. Hindi ko siya masisisi dahil bata nga eh. Akala kasi nila na maganda ‘yung basta mo na lang nilalabas ang mga gusto mong sabihin.
“Nawalan lang siya ng control. Pero nagawa na niya kaya sa huli na lang ang pagsisisi,†pahayag ni Direk Ricky.
Ngayon nga ay dinidirek naman niya sina Heart Evangelista at Geoff Eigenmann sa afternoon series na Forever. Pero ikinatuwa ni Direk Ricky na muli niyang maididirek si Gloria Romero.
“I love the cast of Forever. Nagpapasalamat na sa akin binigay itong project. Mahal na mahal ko si Tita Glo kaya aalagaan ko siya sa project na ito. Last time ko siyang dinirek ay sa Makapiling Kang Muli.
“As for Heart and Geoff, wala akong maipipintas sa dalawang ‘yan dahil napaka-professional nila,†papuri pa ng magaling ding aktor.
Dominic binura na ang galit sa GMA
Kasama nga sa epic telefantasya na Indio ng GMA 7 si Dominic Roco at maganda ang kanyang role bilang si Tuhay, ang isa sa magiging kalaban ni Simeon (played by Alden Richards bilang binatang Indio) at iibig ito kay Mayang (played by Sheena Halili).
Last year ay nagpahayag si Dominic na malaki ang tampo niya sa GMA Artists Center (GMAAC) dahil hindi raw nabibigay sa kanya ang mga TV project na ipinangako sa kanya. Pumirma siya ng guaranteed contract pero matagal siyang nabigyan ng project. Ang huli niyang nilabasan na series ay ang Makapiling Kang Muli.
Nabanggit nga rin ni Dominic na sana ay maging freelancer na lang siya dahil may ibang TV stations na interesadong kunin siya lalo na’t napanood ang magandang performance niya sa indie film na Ang Nawawala.
Pero ina-assure naman ng GMAAC na may nakahandang projects para kay Dominic. Sinisigurado lang nila na babagay ito sa young actor dahil bini-build up nga nila ito bilang leading man.
Dahil sa maayos na pakikipag-usap ay nawala na rin ang tampo ni Dominic sa GMAAC at maayos siyang nakakapagtrabaho na ulit sa bagong projects tulad nga nitong Indio.