Jackie Chan babalik sa Chinese Zodiac
MANILA, Philippines - Ang higanteng international film ang regalo sa moviegoers ng Star Cinema sa pagsisimula ng bagong taon dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay magdi-distribute ito ng isang foreign film, ang Chinese Zodiac na isinulat, iprinodyus, idinerek, at pinagbibidahan ng Asian superstar Jackie Chan. Mapapanood na ang Chinese Zodiac sa mga sinehan sa buong bansa sa Jan. 30 (Wednesday).
Ang pelikulang Chinese Zodiac na napabalitang last major action movie ni Jackie (bagama’t kinlaro ng aktor na magiging busy pa rin siya sa paggawa ng pelikula) ay laman ng mga balita kamakailan nang itanghal itong highest grossing film ever sa China dahil sa pagtabo nito ng $34.6M sa loob lamang ng apat na araw sa mga sinehan. At sa pamamagitan ng Star Cinema, masasaksihan na rin ng Pinoy moviegoers ngayong January ang nasabing pelikula na nakatakda pang ipalabas sa Amerika sa first o second quarter pa ng 2013.
Kinunan sa walong bansa, ang Chinese Zodiac ay isang action-comedy-adventure masterpiece na tungkol sa kuwento ng isang adventurer at treasure hunter na si Asian Hawk (Jackie) na ginalugad ang buong mundo upang mahanap ang mga ninakaw na bronze heads ng 12 hayop na bahagi ng Chinese Zodiac.
Tampok rin sa Chinese Zodiac sina Oliver Platt, Laura Weissbecker, Liao Fan, Yao Xing Tong, Zhang Lan Xin, at ang Korean heartthrob na si Kwon Sang-woo na unang minahal ng mga Pinoy sa hit Koreanovela Stairway to Heaven.
Huwag palampasin ang kauna-unahang foreign movie na ire-release ng Star Cinema, ang Chinese Zodiac na ipalalabas na sa mga sinehan nationwide sa Jan. 30.
- Latest