Nagiging point of discussion ngayon sa showbiz industry kung sino ba talaga ang mas deserving na manalo ng best actress award sa nakaraang Metro Manila Film Festival (MMFF) Awards Night. Si Nora Aunor nga raw ba for Thy Womb o si Angel Locsin for One More Try?
Sa walong entries ng MMFF, isa pa lang ang napapanood namin at ito ay ang One More Try kaya hindi pa kami makapag-comment kung sino para sa pananaw namin ang mas karapat-dapat hiranging best actress sa dalawa.
Pero kung ang acting ni Angel ang pagbabasehan, we’d say na lumaban naman siya talaga nang bonggang-bongga rito. Talaga namang nai-deliver niya ang hinihingi ng kanyang karakter – isang ina na gagawin ang lahat mailigtas lamang ang kanyang anak.
Gustung-gusto namin ang eksena niyang umiiyak siyang lumuhod kay Angelica Panganiban. Walang dialogue pero ramdam na ramdam mo ang pain ng isang ina at kung ano ang gusto niyang iparating sa kaeksena’t sa manonood.
It’s sad na ang kalaban niya for the trophy was none other than our Superstar, Ate Guy. But at the same time, nakakatuwa rin naman at isang malaking level up sa stature niya as an actress na maikumpara ang kanyang performance kay La Aunor, competing alongside with her.
MMFF malayo sa style ng mga international filmfest, entries nakasalalay sa mga sinehan
Speaking of Thy Womb, inuulan ngayon ng kontrobersiya ang pamunuan ng MMFF dahil sa pagkaka-pull out ng pelikula sa maraming sinehan.
Kung ang ibang Noranians ang tatanungin, unfair naman na pinayagan ng MMFF ang mga theater owners na mag-pull out ng pelikulang gusto nila porke hindi kumikita.
“Nagkaroon ng draw ang mga theater owners sa kung anong movie ng MMFF ang ipalalabas nila. Dapat hindi nila puwedeng i-pull out ang naka-assign sa kanilang movie hanggang matapos ang festival kesehodang kumikita ’yan o hindi. Bakit pa sila nag-raffle kung ganun?” say ng isang Noranian.
Isa pa nilang ipinupunto, siyempre, ’yung iba raw moviegoers ay uunahin munang panoorin ‘yung ibang filmfest entries na gusto nila at pagkatapos ay saka naman nila panonoorin ’yung ibang movies.
“Pero paano nila panonoorin ’yung ibang kasali kung na-pull out na? Hindi naman puwedeng sabay-sabay nilang panoorin ang lahat ng entries,” say pa ng isang Noranian.
May punto nga naman. In our case na lang, last Saturday ay nanood kami ng One More Try sa Trinoma, Quezon City at panonoorin sana namin pagkatapos ang Thy Womb. Pero wala na ito sa mga nasabing sinehan ng mall. Na-pull out na nga.
Sabi tuloy ng marami, ang layu-layo natin sa ibang international filmfest. Tulad na lamang sa Busan Film Festival sa South Korea na kung 10 days ang duration ng filmfest, 10 days na mapapanood ang pelikula regardless kung kumikita o hindi.
Samantala, base naman sa explanation ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino, oo nga raw at required ang mga sinehan na bigyan ng equal screening ang MMFF entries at the start of the festival pero subject to change pa rin ito base sa kita ng pelikula.
At ito nga ang kinukuwestiyon ng ibang Noranians, dapat daw ay hindi puwedeng mag-pull out o palitan ang pelikula hanggang sa matapos ang festival. Pero siyempre ay hindi papayag sa ganitong set up ang mga theater owner dahil katuwiran nila, business is business.