MANILA, Philippines - Babalikan ni Ted Failon ang mga isyung gumising sa inyong ulirat at nagpaliwanag sa inyo ng kung ano ang totoo sa nakalipas na isang taon sa espesyal na year-end report ng Failon Ngayon sa Sabado (Dec 29).
Panooring muli ang paulit-ulit na pagkalampag ng programa sa PAGCOR. Mula kay dating chairman Efraim Genuino hanggang kay Chairman Cristino Naguiat ngayon, wala pa ring umanong pinagbago ang pagpapatakbo rito.
Matapos ang maraming kaduda-dudang transaksiyon at mga tiwaling kontrata, ngayon naman, ang diumano’y maanomalyang pagpapatayo ng PAGCOR City ang tututukan.
Sa pagpasok kaya ng 2013, may pagbabago na kayang makita ang sambayanan?
Isa rin sa pinakamalaking isyu ng 2012 ay ang epekto ng minahan sa ating bansa.
Dalawang porsyento lang ang kinikita ng ating bansa sa lahat ng namimina dito sa Pilipinas at kulang na kulang pa itong kabayaran para sa kasiraan ng ating mga kabundukan at karagatan.
Mula sa CARAGA hanggang sa Claver, Surigao Del Norte, iilan lamang ito sa mga lugar na matindi ang pinsalang tinatamo mula sa pagmimina.
Sa 2013 kaya ay tunay na maipatutupad na ang Mining Executive Order na mag-aayos daw sa maluwag na regulasyon ng minahan sa bansa?
Naging isyu rin nitong taon ang tumitinding problema sa pagkakasangkot ng mga pulis sa krimen.
Mula 2010 hanggang 2012, umabot na sa 137 ang mga kasong naisampa laban sa mga pulis. Mula PO1 hanggang Police Superintendent at Lieutenant Colonel, may kasong nakabinbin at naghihintay ng pagdinig. Ngayong si Chief Superintendent Leonardo Espina na ang bagong hepe ng NCRPO, magkaroon na kaya ng pagbabago?