Mukhang wala pa namang phobia sa mga cosmetic surgeon at beauty clinic si Nora Aunor. Pumayag kasi siyang maging endorser ng Calayan Group of Dermatologist and Surgeons. Nakahanay na ang Superstar sa mga bagong image model nina Dr. Manny Pie Calayan, along with Gabby Concepcion and Cristine Reyes.
Tiyak na buo ang tiwala ni La Aunor sa mag-asawang beauty experts kaya tinanggap niya ang bagong trabaho. Just recently, pinarangalan ng Gawad America Award para sa kanilang excellence sa surgery and dermatology, sa Celebrity Center, Hollywood sa California, USA.
Sa darating na Dec. 30 ay tatanggap na naman sila ng isa pang parangal, ang People’s Choice Awarding National Consumers Affair Foundation.
Ang mga kliyenteng celebrities ng mga Calayan na sina Boy Abunda, Luis Manzano, Mariel Rodriguez, Valerie Concepcion, Bangs Garcia, Kim Atienza, Nikki Gil, Billy Crawford, Rufa Mae Quinto, Bianca Gonzales, Paolo Ballesteros, at Mocha Girls ang makapagsasabi kung gaano sila ka-satisfied sa mga treatment and services ng Calayan clinic.
Todo-suporta sa kanila ang mga kababayan natin sa California. Na-inspire tuloy sina Drs. Manny and Pie Calayan na magtayo ng branch sa iba pang panig ng daigdig.
Tila kino-consider nila ang magbukas ng sangay sa Paris, France! Aba, tatapatan talaga ang Belo Medical Group!
Carlos seryoso sa pagbabalik-recording
Nakausap namin si Carlos Agassi sa Christmas party hosted by the Calayans. Active at visible muli sa showbiz, pagkatapos ma-release ang kanyang bagong rap album na Kapayapaan.
Kabilang sa mga cut ng album ang title track na may music video at ang single with Daddy’s Home as back-up vocalists.
Sa kantang P.I.N.O.Y, featured at Star Power finalists na Daddy’s Home.
Nabalita ni Amir Carlos na nasa bansa ngayon ang kanyang brother na si Aaron, na nagkaroon ng album sa Universal Records.
Bwakaw lumalakas ang tsansa sa Oscars
Ayon sa Film Comment magazine, published by the Film Society of Lincoln Center, New York City, No. 5 sa kanilang listahan ng 50 Best Undistributed Films of 2012 ang Bwakaw. Nagbigay na ng dalawang best actor awards kay Eddie Garcia ang pelikulang lahok natin sa Academy Awards.
Sa latest development, mukhang higit na lumakas ang chance ng Bwakaw na makasali sa five finalists ng best foreign language film category ng 2013 Oscars.
Telethon ng TV5 nakatawag ng pansin sa ibang bansa
Nakalikom ng mahigit na P100 million ang Tulong Kapatid fund drive ng TV5 at group of companies ni Manny V. Pangilinan, para sa mga nasalanta ng bagyong Pablo sa Compostela Valley, Davao Oriental, at iba pang lugar sa Mindanao.
Agad sinimulan nina MVP at mga kasama ang telethon sa TV5 para tugunin ang mga pangangailangan ng mga biktima ng bagyo. Dahil sa kanilang initiative na tumulong sa mga nangangailangan, dumagsa ang mga donasyon mula sa iba’t ibang bansa at sa ating mga kababayan.
Coco kahati sa cash prize na US$30K ang direktor
Nagwagi ang Sta. Niña, na bida si Coco Martin, ng Golden Crow Pheasant award sa katatapos na 17th International Film Festival of Kerala, India.
Ang executive producer nang nagwaging pelikula ay si Rodel Nacianceno (Coco Martin sa tunay na buhay). Kasama sa premyo ang US$30,000 cash prize na hahatiin sa director at producer ng Sta. Niña.
New Wave section sa MMFF pinag-uusapan na rin
Lahat ng mga lahok sa New Wave section ng 2012 Manila Metro Manila Film Festival (MMFF) ay masiglang tinatangkilik at pinag-uusapan ng mga moviegoer.
Malakas ang laban ng In Nomina Matris ni Wil Fredo na magwaging best indie film. Paborito pa ang Ad Ignorantiam ni Armando ‘‘Bing’’ Lao.
May kanya-kanyang atraksiyon ang The Grave Bandits ni Tyrone Acierto, Paglaya sa Tanikala ni Mike Dagnalan, at Gayak ni Ronaldo Bertubin.
Malaki ang pasasalamat ng mga director at producer ng napiling official entries sa New Wave section ng MMFF, kay MMDA Chair Francis Tolentino, sa todo suportang ibinigay sa kanila.