Nagkaroon na naman ng kakaibang “visual journey” ang mga nakapanood ng The Hobbit: An Unexpected Journey na idinirek ni Peter Jackson. Ito ang una sa tatlong nabuong Hobbit na pelikula kaya matutuwa ang mga bitin pa rin sa Lord of the Rings o LOTR.
Ito rin ang pinakahuling pelikulang handog ng Warner Bros. ngayong taon. Sa isang Disyembre pa ang sequel ng The Hobbit kaya matindi na ang nabuong pagnanasa ng mga nag-abang dito sa bagong trilogy na umiikot din sa adventure ng hobbits, dwarves, orcs, goblins, ogres, dragons, at wizards.
Pero para sa mga hindi naman naging fanatic sa Lord of the Rings ay maaaliw din naman sa bagong bida sa The Hobbit na si Bilbo Baggins na ginagampanan ni Martin Freeman kahit nag-cameo role lang ang pamangkin niyang si Frodo Baggins, karakter ni Elijah Wood na siyang bida sa series ng LOTR. Aatras ng 60 taon ang istorya ni Bilbo dahil prelude ang pelikulang The Hobbit ng kasaysayan ng LOTR. At parehong hango ito sa mga klasikong nobela ni J. R. R. Tolkien.
At kaya kakaiba ang paglalakbay ng moviegoers sa kuwento ni Bilbo ay dahil mas malupit ang 3D na ginamit ng production. May tinatawag silang 48 fps (frames per second) na imbes na 24 lang ang regular na ginagamit sa isang three-dimensional film. Ibig sabihin, mas pinalinaw at mas makatotohanan ang mga imaheng makikita. Kaya pala ’yung mga lumilipad na paru-paro at ibon ay parang lumalapit sa nanonood at halos mahahawakan na.
At kaya rin medyo nakakahilo na kapag nakakalulang bundok o tulay ang dinadaanan ng mga naglalakbay na 13 dwarves. Pero superb ang special effects sa mga action scene at sa mga hindi tunay na tao ang hitsura tulad nina Gollum (Andy Serkis) at Azog (Manu Bennet) na hari ng mga orc.
Sila ring dalawa ang pinaka-nakakatakot ang mukha sa pelikula kaya tama ang PG-13 dahil dapat bantayan ang mga bata at baka matakot sila.
Si Gollum ang “My Precious” sa LOTR at siya ang ugat kung bakit napunta ang mahigawang singsing kay Bilbo hanggang maipasa kay Frodo.
Mahaba ang eksena nila at pagaganahin ang utak ng nanonood kasi magbu-bugtong (riddle) sila.
Si Azog naman ang mabangis at pinaka-kaaway sa The Hobbit, ang dahilan ng pagbagsak ng isang kaharian dahil sa marahas na pagpatay sa tatay at lolo ni Thorin Oakenshield (Richard Armitage). Si Thorin ang dwarf warrior at susunod sana sa trono pero mapapasabak na lang sa matinding laban dahil sa paghihiganti. Katuwang niya ang 12 pang mga duwende (pero malalaki sila na parang tao rin) na karamihan ay mula sa kanyang angkan at kaharian.
Ang dami pang karakter sa The Hobbit.
May ipare-rebyu? E-mail: kibitzer.na.nicher@gmail.com