Herbert ‘di totoong mahilig sa Bistek!

Natatandaan pa ba ninyo, o alam ba ninyo kung bakit si Ma­yor Herbert Bautista ay nasimulang tawaging Bistek? Natawa kami noong isang gabi, dahil maski na sa Internet ay wala ang detal­yeng iyon. Mukhang nakalimutan na nila ang lahat. Nagsimula ng kanyang TV career si Bistek bilang isang makulit na bata sa Kaluskos Musmos. Tapos nakuha siya bilang si Renee Boy doon sa TV show niya na nagkaroon ng pinaka mataas na ratings, ang Flor de Luna.

Pero hindi siya sa mga shows na iyon mas natandaan ng mga tao. Sumikat siya nang makasama siya sa pelikulang Bagets noong teenager na siya. Pagkatapos noon nagkaroon siya ng isang TV show, kasama sina Vic Sotto at Dina Bonnevie, Maricel Soriano at William Martinez sa BBC 2 na ang title ay 2+2, doon niya nakuha ang character na ang pangalan at Bistek. Doon siya nagmarka talaga sa tao.

Dahil sa tagal din ng show na iyon, nakagawian na ng lahat na ang tawag sa kanya ay Bistek. Kaya hanggang ngayon na mayor na siya, ang tawag pa rin sa kanya ay Bistek. Basta sinabing Bistek, siya na iyon.

Kaya iyon ay galing sa isang character sa isang TV show na kung saan nakasama niya ang muntik na niyang makalabang si Vic Sotto. Hindi dahil mahilig siya sa bistek.

Iyang bistek naman kasi ay kolokyal na beef steak, na uso sa Pinoy. Medyo ipini-prito nang malasado ang karne, at tapos ay lalagyan ng sauce na toyo, at sariwang sibuyas. Napakasarap din naman niyang bistek.

Pero tandaan ninyo ha, tinawag na Bistek si Herbert Bautista dahil sa kanilang TV show noong araw.

ANDRES… MASYADONG MAHABA

May mga pelikula mang sabihing pinaganda, hindi naman naaabot ng panlasa ng masa. Kaya namin nasabi iyan, noong isang araw, wala rin nga lang magawa, nagdesisyon kaming manood ng sine, at napili nga naming panoorin ang film bio ni Andres Bonifacio.

Ok naman sana ang pelikula, masyado lang mahahaba ang mga eksena na maaari pa namang putulan para hindi nakakabagot. Basta kami, nakahanda nang pagtiyagaan iyon dahil alam naman naming mahigit na dalawang oras ang running time nito, pero noong dumating ang eksena na sinabi ni Aguinaldo na “ang supremo ang masusunod,” na para bang napakataas ng kanyang paggalang kay Andres Bonifacio, lumabas na kami ng sinehan. Ang nasa isip agad namin, “parang may mali rito.”

Pero hindi iyan ang punto namin eh. Ang sinasabi namin, dapat iyang mga gumagawa ng pelikula ay malaman na hindi lahat ng manonood ng kanilang pelikula ay may kaisipang kagaya nila. Dapat ang isipin nila gumagawa sila ng pelikula para sa masa. Iyon lang ang paraan para ang mga pelikulang ginagawa nila ay kumita.

Show comments